Duterte ‘pabebe’ na

BIGLA na namang pumihit ang pulitika ng bansa sa pagbabago ng isip ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nagpahayag na ng interes na tumakbo sa 2016 presidential elections.

Pero mukhang marami ang hindi kumbinsido sa dahilan ng pagbabago ng kanyang isip.

Sabi kasi ni Duterte ay hindi niya nagustuhan ang hindi pagdiskuwalipika ng Senate Electoral Tribunal kay Sen. Grace Poe.

Parang sinabi na rin niya na duda siya sa citizenship ni Poe.

Tanong ng mga nagtataka sa pagbabago ng isip ni Duterte, paano kung magdesisyon ang Korte Suprema at i-disqualify si Poe, aatras ba siya?

Hindi kumbinsido ang mga miron sa dahilan ng pagtakbo ni Duterte.

Para sa kanila, nagpapapabebe si Duterte na kilala sa kanyang kamay na bakal sa Davao City kaya matino ang siyudad.

Meron ding mga tao na nahinaan na kay Duterte dahil sa kanyang pabago-bago ng isip lalo at hindi “kumbinsing” (convincing) ang kanyang dahilan.

Para sa kanila ang kamay na bakal ay nanga-ngahulugan ng isang salita na kanyang tatayuan.

Nang sabihin ni Duterte na hindi siya tatakbo, tinanggap na nila na hindi ito tatakbo. Pero anyare at bigla siyang bumaliktad sa kanyang sinasabi?

Ang akala ng marami, talo si Poe sa kinakaharap na disqualification case sa SET.

Kaya naman nagulat ang marami sa desisyon ni Sen. Bam Aquino na bumoto kontra sa disqualification case.

Kung bumoto si Aquino pabor sa DQ ay sibak si Poe sa pagkasenador at mas lalaki ang tiyansa na siya ay maalis din sa listahan ng mga kandidato sa 2016 elections.

Si Aquino, pinsan ni Pangulong Aquino at campaign manager ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo na tumatakbo sa pagkabise presidente sa ilalim ng Team Ipagpatuloy ang Tuwid na Daan, ang mistulang nagdesi-syon sa sasapitin ni Poe.

Sinabi ng senador na hindi siya inutusan o inimpluwensyahan ng kanilang presidential bet na si Mar Roxas o ng kanilang mga kaalyado para bumoto laban kay Poe.

Bumoto naman pabor sa pagdiskuwalipika kay Poe si Sen. Nancy Binay, anak ni Vice President Jejomar Binay na tumatakbo rin sa pagkapangulo.

Ang senadora ang nag-iisang mambabatas na bumoto laban kay Poe. Ang kanyang kasama ay ang tatlong justices ng Korte Suprema.

Ang boto ng tatlong Supreme Court justices ay sinasabing posibleng maging sakit ng ulo ni Poe kaya umakyat na ang kaso sa pinakamataas na hukuman.

Kung boboto ang mga justice laban kay Poe ay mabubura ang kanyang pangalan sa balota.
At ang tanong, sino ang mapagbibintangan nasa likod ng magiging desisyon ng SC?

Read more...