DUDA si Senador Cynthia Villar na mababaligtad pa ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal na nagbabasura sa disqualification case laban kay Senador Grace Poe.
Si Villar ang isa sa limang miyembro ng SET na bumoto pabor kay Poe.
“Ay hindi,” ayon kay Villar nang tanungin kung mababago pa ang desisyon ng SET tungkol sa kasong inhain ni Rizalito David laban kay Poe.
“I think ang more na tatanungin natin would be after us, ‘yung motion for reconsideration sa SET, kung ‘yun din ang decision, then he goes to the SC, doon ang fight,” dagdag pa ng senador, na ang pinatutungkulan ay si David na naghain ng motion for reconsideration sa SET.
Anya pa, mahirap para sa isang miyembro na bumoto pabor kay Poe ang magpaliwanag kung biglang magbabago ng kanyang boto.
Bukod kay Villar, ang bumoto pabor kay Poe ay sina Senador Loren Legarda, Pia Cayetano, Vicente “Tito” Sotto III at Bam Aquino.
Dagdag ni Villar, siya mismo ay hindi na magbabago ng kanyang boto.