Ginagawang laro ni Kris Aquino ang maraming aspeto ng buhay. Magsasalita siya ngayon na parang wala siyang kunsensiya, kapag inupakan siya ng mga kababayan natin ay agad siyang magso-sorry, kaya ang tanong ng marami ay hanggang kailan ba siya magso-sorry sa mga kapalpakang pinaggagagawa niya?
Walang itinitirang kahit ano si Kris para sa kanyang sarili, lahat-lahat na lang ng tungkol sa buhay niya ay i-pinagbubuyangyangan niya sa publiko, sakit na ang tawag du’n ng isang regular naming nakakausap na propesor.
“Hindi nakakatulog ang mga ganu’n hanggang hindi nila nagagawa ang gusto nila. Parang hinihila sila para gawin ang isang bagay na alam naman nilang hindi magugustuhan ng kapwa nila,” makabuluhang komento ni prop.
Para kasing masokista si Kris, tuwang-tuwa siya kapag may mga nagagalit sa kanya, parang hindi kumpleto ang kanyang buhay kapag wala siyang naiinis sa iba’t ibang paraan. Nakakaawa rin si Kris sa isang banda.
Malungkot nga naman sa itaas. Sikat siya at walang direktang kapangyarihan pero umaamot siya nu’n sa kadugo niyang meron, pero hindi niya alam kung sinu-sino ang totoong-totoo sa kanya, at hindi siya maligaya.
Ang mga ginagawa ni Kris ay isang malaking patunay at manipestasyon ng isang taong walang katahimikan ang kalooban. Sa isang umpukan nga ay naging argumento ang pagiging si Kris.
May mga nagsasabing gusto nilang angkinin ang estado ng actress-TV host, pero mas marami ang umayaw, hindi bale na lang daw.