MASUGID na tagahanga pala si Jobelle Salvador ng anak-anakan niyang si JC de Vera sa teleserye nila na You’re My Home sa Primetime Bida ng ABS-CBN. Nasa Japan pa lang si Jobelle ay sinusubaybayan na niya si JC sa mga palabas niya noong nasa GMA 7 pa ang aktor.
“Noong una kong makita ‘yan sa kabilang channel, bata pa siya pinapanood ko na, nakita ko na, siyempre guwapo. Pero ‘yung Pilipinong matipuno ang da-ting niya, e. So, sabi ko, may mararating ang batang ‘to, magaling,” pag-amin ni Jobelle.
Hindi raw niya in-expect na years after ay makakatrabaho niya si JC. Ibang-iba na raw ang aktor ngayon. “Iba na ‘yung JC na nakita ko ngayon compared noon. Much, much better na siya as an actor.
Ako pa ngayon ang nailang. Kasi siyempre, kahit kanino naiilang ako sa kanila kasi lahat sila, they have been here active in acting. E, ako ‘di ba, naninibago pa ako. Kasi paminsan-minsan lang ang TV guestings ko,” lahad niya.
Patigil-tigil kasi si Jobelle sa pag-arte kaya everytime may bago siyang work parang naninibago na naman siya. Kaya kinausap daw niya ang direktor nila sa You’re My Home na si Direk Jerry Sineneng.
“Sabi ko, ‘Direk, how am I doing?’ Sabi ko pa, ‘Sana huwag mo naman akong susukuan.’ Kasi I’ve been away for a long time. Sabi ko, ‘Hindi, as much as gusto kong ibigay ang lahat, I am doing my best.
Pero kung sa tingin ko naman Direk kaya mo pa akong pigain, pigain mo ako.’ ‘Yun ang sinabi ko sa kanya. Sabi ko, ‘Gusto ko nga talaga mag-workshop kasi Direk nahihiya ako sa mga kasama ko.’”
Nahimasmasan naman daw siya nu’ng sabihan siya ni Direk Jerry na ang galing-ga-ling niyang umarte sa You’re My Home, “Sabi niya, ‘Don’t worry kasi kung meron akong hindi gusto, sasabihin ko sa ‘yo.
Pero wala akong nakikitang hindi maganda.’ Sabi ko, ‘Sigurado ‘yan Direk, ha!’” kwento pa ni Jobelle.
Nasabi na rin daw niya kay JC ang pagtutok niya sa mga show ng aktor noong nasa Japan siya, “Namutla siya noong sinabi ko ‘yun sa kanya.
Hindi niya akalain. E, siyempre hindi ko rin masyadong inaano sa kanya baka sabihin niya crush ko pa siya or something. Iba ‘yun, e.” Kunsabagay, may mga kasabayan din si Jobelle during their “Bagets” days ang may dyowa na mas bata sa kanya.
Kaya tinanong na rin namin si Jobelle kung type rin niya ang mas bata sa kanya. Tumawa muna siya saka sumagot, “Tapos na ako diyan! Pero hindi ako na-in love. Oo, siya ang na-in love (sa akin) siguro. Ha-hahaha!”
Tinanong ulit namin siya kung taga-showbiz ‘yung guy, “Yes! Ha-hahaha!” Pero tumanggi na siyang pangalanan ‘yung guy. Sinubukan daw niyang tumanggap ulit ng manliligaw at inamin niya na nakikipag-date siya ngayon.