Poe, makakatakbo ba o hindi?

“PILIPINO si Grace Poe, pero hindi siya natural-born kaya’t hindi siya kwalipikadong maglingkod bilang Senador ng bansa.”
Ito ang nilalaman ng “dissenting opinion” ng tatlong mahistradong miyembro ng Senate Electoral Tribunal – sina Associate Justice Antonio Carpio, Teresita de Castro at Arturo Brion.
Pero sa botohang 5-4, nanalo pa rin ang panig ni Poe kung saan sina Senador Tito Sotto, Loren Legarda, Pia Cayetano, Bam Aquino, at Cynthia Villar, maliban kay Nancy Binay, ang pumanig sa kanya.
Ayon sa mga senador, ang boto nila ay bilang pagkampi sa karapatan ng isang “foundling.” Dahil sa resulta ng botohan, mananatiling senador si Poe. Inaasahang magsasampa ng “motion for reconsideration” ang complainant na si Rizalito David, at ang posibleng pag-akyat nito sa Korte Suprema.
Habang nakabitin ito, ang “presidential qualifications” naman ni Poe ang dedesisyunan ng Comelec. Tatlong batikang abogado – sina Dean Amado Valdez, Prof. Antonio Contreras, at dating GSIS counsel Atty. Erlinda Elamparo, ang nagsampa ng kaso, bukod pa sa kasong inihain ni dating Senador Francisco Tatad.
Ayon kay Tatad, hindi raw kandidato ng Konstitusyon si Poe at magkakasala ang Comelec kapag pinayagan itong makatakbo dahil hindi siya natural born Pilipino. Si Elamparo naman ang paniwala ay nagsinunga-ling si Poe sa kanyang COC; depektibo raw ang natural born citizenship nito at kung naturalized man siya ay noon lamang 2006 nang bumitaw siya sa pagiging American citi-izen.
Kulang naman daw sa 10 year residency si Poe, ayon naman kay Prof. Contreras. Pwede lang magamit ni Poe ang “domicile” issue sa July 18, 2016 o kulang ng isa’t kalahating buwan sa requirement.
Ayon naman kay Dean Valdez, kahit sabihing “natural born” si Poe, nawala na ito nang i-renounce niya ang kanyang Filipino citizenship at naging Amerikano noong 2001.
Pero ang bola ngayon ay nasa 7-man Comelec (5 dito ay may koneksyon umano sa LP) na magpapasya kung ibabasura ang kandidatura ni Poe.
Ang nais ni Comelec Chairman Andres Bautista ay i-consolidate o pagsamahin ang lahat ng reklamo para mas mabilis ang desisyon. Pero, kontra rito ang mga complainants.
Paniwala naman ni Poe na Senate topnotcher na may nakuhang 20 milyong boto noong 2013 election, na ang lahat ng ito’y political harassment lamang at maitim na ba-lak ng mga kalaban niya para pigilan siyang Manalo, lalo pa ngayon na una na naman siya sa survey matapos makakuha ng 39 points, habang ang kalabang si Jejomar Binay ay 24 percent, at 21 percent naman si Mar Roxas at 11% lang si Miriam Santiago.
Pero, pumasok na naman si Davao city Mayor Digong Duterte, isa ring abugado, at nagsabi na si Poe ay meron lamang “presumptive natural born citizenship” at dahil ayaw niyang magkaroon ng “American President,” siya ay tatakbo na raw sa May 2016.
Lahat ng mga pangyayaring ito ay nag-iiwan ngayon sa atin ng napakalaking “question mark:” Makakatakbo ba si Grace Poe bilang Pangulo? Korte Suprema ang susi. Pero dito sa botohan sa SET, 3-0 na agad si Poe. Pero, magreretiro o “pinagretiro” na raw si Justice Martin Villarama kahit wala pang 70 years old. Kapag nagkataon, a-nim na ang appointees ni PNoy sa 15 member-SC. Ano ang epekto nito sa kaso ni Poe? Abangan at talakayin natin sa susu-nod na kolum.

Read more...