“MARKETING department na ba ang responsible sa mga press conference ng TV5? Kasi sila na ang nagtatawag sa press.” Ito ang narinig naming tsikahan ng mga kakilala naming bloggers.
Naging interesado tuloy kaming makinig dahil nga hindi lang pala ang production ng TV5 ang tila magulo ngayon, pati rin pala sa pagtatawag ng presscons ay may issue rin.
Sabagay bossing Ervin, nakatanggap din kami ng imbitasyon mula sa numerong hindi namin kilala at dahil malayo ang venue at mega-trapik pa ay hindi namin ito pinuntahan lalo’t may mga kasabay itong events na mas accessible lang.
Anyway, base sa narinig naming usapan, “Ang gulo ng TV5, hindi mo alam kung sino ang in-charge sa publicity nila, may nagtatawag na taga-corporate, may nagtatawag na taga-marketing at may nagtatawag ding taga-press.”
Nagtanung-tanong kami tungkol dito at nabanggit sa amin ng isang source, “Kinuha na kasi ng marketing department ang pagha-handle ng presscons kasi sa kanila naman daw nanggagaling ang budget kaya sila na ang dapat humawak.”
Iba naman ang kuwentong narinig namin, “Nakikipag-agawan kasi ang marketing department sa paghawak ng publicity, ang gulo nga, kaya ‘yung ibang nai-invite nila hindi sila kilala, tama ka, like you hindi ka pumunta kasi nga hindi mo sila kilala. Ending walang masyadong lumalabas na write-ups.”
Kailan kaya maaayos ang problemang ito sa TV5? Kapag hindi ito agad naresolbahan, siguradong mas maaapektuhan pa ang kanilang mga programa.