Rain or Shine Elasto Painters nakisosyo na itaas

Mga Laro Ngayon
(Ynares Center, Antipolo City)
3 p.m. Barako Bull vs San Miguel Beer
5:15 p.m. Brgy. Ginebra vs Mahindra

MATINDING arangkada ang ginamit ng Rain or Shine Elasto Painters para tambakan ang Blackwater Elite, 103-81, at makisalo sa itaas ng team standings sa kanilang 2015-16 Smart Bro PBA Philippine Cup elimination round game kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Ang panalo ng Elasto Painters ay naging daan naman para makasosyo nila ang San Miguel Beermen at Alaska Aces sa itaas sa magkakaparehong 4-1 kartada.

“In the first quarter, we were just trying to find our bearings, but in the second half, we got our momentum, our conditioning back,” sabi ni Rain or Shine coach Yeng Guiao.

Mula sa 16-all na pagtatabla ay biglang kumalas ang Elasto Painters sa pagsasagawa ng 9-0 ratsada para isara ang unang yugto na hawak ang 25-16 bentahe.

Magmula rito ay hindi na nagpaawat ang Rain or Shine na isinara ang ikatlong yugto gamit ang 8-0 arangkada para itala ang 19-puntos na kalamangan, 80-61, na lumobo pa sa 24 puntos, 101-77, mula sa 3-pointer ni Jeric Teng may tatlong minuto ang nalalabi sa laro.

“I guess we’re just excited to get back playing again after our heartbreak loss to Globalport. Gusto namin makabalik at makalaro para makabawi din, but we did not take (Blackwater) for granted. We were not going to be complacent in this game, that’s why the energy level was high, especially in the second half,” sabi pa ni Guiao.

Muling bumida si Jericho Cruz para sa Rain or Shine matapos gumawa ng 14 sa kanyang career-high 23 puntos sa ikatlong yugto.

Si Jewel Ponferrada ay nadagdag ng 15 puntos habang ang rookie playmaker na si Maverick Ahanmisi ay nagtala ng walong puntos, siyam na rebounds at anim na assists para sa Elasto Painters.

Sina Beau Belga at JR Quinahan ay nagsanib sa 23 puntos at 13 rebounds para sa Rain or Shine.
Pinamunuan ni Art dela Cruz ang Blackwater (1-4) sa kinamadang 15 puntos, apat na rebounds, at apat na steals.

Read more...