KAMAKAILAN ay napabalita ang pagmamasaker sa limang katao, kabilang na ang isa menor-de-edad sa Baliwag, Bulacan.
Mismong ang Philippine National Police (PNP) na ang nagsabi na may kinalaman sa droga ang nangyaring masaker sa isang apartment sa Garnett st., Brgy. Sabang, matapos matagpuan ang 10 sachet ng shabu sa loob ng bahay.
Tadtad pa ng bala ang mga biktima na si Axel John Batac, live-in partner nitong si Angel Romero; Mark Christian Bergonia, 16; Alvin Cruz, 42, at isang alyas “Kamote” nang matagpuan ng mga pulis.
Sa harap ng nakakaalarmang problema sa droga sa Baliwag ay hindi tuloy maiiwasang itanong kung may ginagawa bang aksyon si Mayor Carol Dellosa kaugnay ng isyu.
Ano rin ang ginagawa ng PNP para masolusyunan ang problema sa droga sa Baliwag?
Hindi kasi maiiwasang isipin na nagiging talamak ang droga sa Baliwag dahil sa kapabayaan na rin ng lokal na pamahalaan at ng pulisya.
Kapwa natutulog sa pansitan ang mga opisyal ng Baliwag, Bulacan at ang PNP sa paglala ng droga sa lalawigan.
Ilang mga kabataan pa ang masisira ang buhay dahil sa kapabayaan ng ating mga opisyal?
Bukod sa problema sa droga, laganap din ang problema ng nakawan, prostitusyon at ang pangkalahatang peace and order sa lugar.
Ang mga ito ay iniuugnay din sa problema kaugnay ng droga sa lugar.
Hahayaan na lang ba ng liderato ni Mayor Dellosa na maulit pa ang kahalintulad na insidente?
Nais ba ni Dellosa na umabot pa sa punto na bansagan ang Baliwag na drug capital ng Bulacan?
Sa panig ng PNP, dapat seryosohin nito ang kampanya kontra-droga at papanagutin ang nasa likod ng karumal-dumal na masaker.
Kay Mayor Dellosa, dapat na magpakitang gilas ka lalo’t malapit na ang eleksyon.
DA who itong tagapagsalita ni PNoy na pinili pang maging animo’y photographer sa APEC kaysa magbigay ng pahayag sa mga miyembro ng media?
Usap-usapan ngayon sa Malacañang ang naging trabaho ng tagapagsalita ni PNoy na inumpisahan sa pagkuha ng mga litrato kay Mexican President Enrique Nieto matapos ang state visit sa Malacañang at maging sa bilateral talks nina Pangulong Aquino at US Pres. Obama.
Talagang proud pa ang opisyal na ito na i-share social media ang selfie niya kay Obama matapos ang bilateral talks ng dalawang opisyal sa Sofitel Philippine Plaza sa Pasay City.
Sino ang opisyal na ito? Ito ang opisyal na bukod kay PNoy, may iba pa siyang boss ngayong eleksyon.
Alam kong gets nyo na tinutukoy ko.