Isa na namang buntis napaanak sa bangketa dahil sa trapik; ‘Coastaline’ ipinangalan sa baby

ISA na namang ginang ang napaanak sa kalsada dahil sa matinding trapik  sa Coastal Mall Terminal Road, Paranaque City, Biyernes ng umaga o  sa huling araw ng pagsasara ng mga ilang pangunahing kalsada dahil sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leader’s Summit.

Hindi na nakayanan ang matinding hilab at sakit ng tiyan ng ginang na si Aileen Butacain, 31, ng Tanza, Cavite, kaya’t pagbaba nito ng bus ay napahiga na lang ito sa bangketa.  Kasama niya ang kanyang mister na si Enrique.

Hanggang sa pinagkaguluhan na ang ginang na kung saan isa namang vendor ang nagpaanak sa ginang.  Hindi naman nabanggit ang pangalan ng vendor na umalalay sa ginang.

Isang malusog na sanggol na babae ang isinilang ng ginang na pinangalanan nitong “Coastaline” na hango sa pangalan ng Coastal Mall.

Matapos mailuwal ng ginang, isinugod siya at ang kanyang sanggol ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority sa Ospital ng Maynila.

Ayon kay Enrique, patungo na sila ng ospital dahil kabuwanan na nga ng kanyang misis, hanggang sa sila ay maipit sa trapiko at hindi na napigilan ng kanyang asawa ang paglabas ng bata, alas-8 ng umaga.

 “Papasok pa lamang po kami sa may Coastal road sinumpong na po ang pananakit ng tiyan ng misis ko kaso po sa sobrang trapik ay inabutan na siya sa kalye at lumabas na ang bata” pahayag pa ni Enrique.

Abg pagkakasara ng mga pangunahing kalsada ay bunsod ng ginanap na APEC summit  na dinaluhan ng mga leaders sa iba’t- ibang bansa.

 Magugunitang nitong nakaraang Lunes (Nobyembre 16), kumalat sa Facebook ang post ng isang netizen na nasaksihan nito ang napaanak na ginang sa kalsada dulot din ng matinding trapik dahil sa pagsasara ng mga pangunahing kalsada sa Metro Manila dahil sa APEC.

Nadaanan ng isang nagngangalang Angel Ramos -Canoy sa kahabaan ng Macapagal Avenue, Paranaque City ang isang ginang na nagle-labor at nanganganak dakong alas-6:00 ng umaga.

Nagluwal ng isang malusog na baby boy ang ginang at agad itong isinugod ng mga tauhan ng MMDA ang mag –ina sa San Juan De Dios Hospital.

Kahapon lamang ng hapon nang idis-charge ang ginang na nakilalang si Lorna Justo kasama ang kanyang sanggol mula sa nasabing pagamutan.

 

Read more...