Ngayong taong ito rin niya ipinagdiriwang ang ika-50 taong anibersaryo ng kanyang pagiging artista.
Isang maligayang kaarawan sa isang taong hindi pinagbabago ng katanyagan, kapangyarihan at kayamanan, happy birthday sa isang taong hindi nakalilimot sa kanyang nakaraan para idugtong sa ngayon at bukas, maligayang kaarawan sa itinuturing na ina ng probinsiya ng Batangas!
Bilang aktres ay wala na tayong hahanapin pa sa isang Vilma Santos, naitawid na niya ang halos lahat ng papel, hindi na mabilang ang mga parangal na nakukuha niya sa galing ng kanyang pagganap.
Bilang politiko naman ay malinis ang kanyang pangalan.
Nagsimula siya sa pagiging mayor ng Lipa City, nakatatlong termino siya, at ngayon ay matagumpay naman siyang gobernador ng kanyang probinsiya at minamahal ng kanyang mga nasasakupan.Bilang ina at asawa ay isa siya sa mga maipagmamalaking personalidad na nakayanang pagsabayin ang kanyang propesyonal at personal na gampanin, wala siyang isinasakripisyo, parehong mahalaga para sa kanya ang kanyang asawa’t mga anak at ang kanyang pag-aartista.
Pagdating sa personal na disiplina sa kanyang trabaho ay dalawang-kamay ang pagsaludo namin kay Governor Vilma.
Kahit ganu’n na kalaki ang kanyang pangalan sa lokal na aliwan na kung tutuusin ay meron nang pasaporteng sumablay paminsan-minsan sa oras ay hindi niya ginagawa ‘yun.
Mas nauuna pa siya sa produksiyon kung minsan, nasa sasakyan lang siya at nag-aaral ng mga linyang bibitiwan niya sa harap ng mga camera, ganu’n katindi ang propesyonalismo ng isang Star For All Seasons.
At walang halong eksaherasyon, singkuwenta’y nuwebe anyos na ngayon si Governor Vilma Santos, pero kapag nakaharap mo siya ay parang hindi tumakbo ang orasan ng kanyang buhay sa pananatili ng kanyang kagandahan.
Mula sa pahinang ito, ang taos-puso naming pagbati ng maligayang kaarawan sa bituin ng lahat ng panahon, Governor Vilma Santos!