MATAPOS ang madugong pag-atake ng mga terorista sa France, binalot ng takot ang mga mamamayan doon pati na ang mga turista.
Madilim at malungkot ang dating masaya at punong-puno ng buhay na Paris sa France, at doble ang pag-iingat ngayon doon ng mga tao. Higit na pinaigting pa ang kanilang seguridad sa posibilidad na baka may maulit pang pag-atake.
Maging ang embahada ng Pilipinas ay naglabas na rin ng paalala at pinag-ii-ngat ang mga kababayan natin na huwag na munang maglalabas ng kanilang mga tahanan kung hindi naman kinakaila-ngan.
Lalong pinag-iingat ay iyong mga Pinoy na hanggang ngayon ay wala pa ring papel o dokumento. Iba ring pag-iingat ito. Sila ang mga naninirahan na doon o nagtatrabaho, pero walang mga tamang dokumento o sila na mga ilegal alien.
Dahil maraming check point, natural lamang na hahanapan sila ng papel bilang patunay na sila’y mabuting mga mamamayan ng nasabing bansa at nang hindi mapag-suspetsahan na mga terorista.
Pero saan pa nga ba magiging ligtas ang tao? Mayroon pa bang lugar dito sa mundo na masasabi nating malayo sa pa-nganib?
Sino nga naman ang mag-aakalang sa loob ng stadium, kung saan naglilibang sumandali ang kanilang mamamayan, ay sasabayan ito ng madugong pag-atake.
Ganoon din sa Amerika. Sa mapayapang mga paaralan ng mga bata, sinehan o saan man, palaging may mga nakapanghihilakbot na mga insidente ng pamamaril.
Sa Pilipinas, kakaibang pag-iingat naman ngayon ang ating isinasagawa. Pa-libhasa ang ating bansa ang siyang host ng APEC Summit ngayong 2015, isang taon itong pinaghandaan ng mga awtoridad para lang matiyak ang seguridad para sa mga delegado at state leaders. Ngayon, higit pang pinatindi ang security measures at kung kinakailangang baguhin ang mga iyon kahit sa mga hu-ling sandali, binabago nila.
Dito kinakailangan ang kooperasyon at pakikipagtulungan nating lahat. Hindi na kailangang magreklamo pa. Tanggapin natin ang mga bagay na hindi natin kontrolado tulad ng mga okasyong katulad nito.
Dahil ayaw man o gustuhin natin, talagang matutuloy at matutuloy yan ang APEC dito sa Pilipinas.
Tulad ng pagtanggap sa isang bisita, pinaghahandaan natin iyon. Lalo pa nga’t kilala ang Pinoy bilang hospitable at kilala ito sa kanilang magandang katangian.
Natural lamang na li-nisin natin ang ating mga bahay. Inaalis at itinatago ang mga hindi magagandang bagay na masakit sa mata at hindi naaangkop sa kaniyang mga kinalalagyan.
Gayung-gayon ang paghahanda sa isang bansang tatanggap ng maraming bisita bukod pa sa may dagdag pang paghihigpit ng seguridad para sa kanilang kaligtasan.
Ang ating mga OFW sa iba’t-ibang panig ng mundo, umaasa ring magkakaroon ng positibong epekto ang APEC sa kanilang pananatili sa ibayong dagat bilang mga dayuhang manggagawa doon.
Gayong wala tayong maipapangakong ligtas na lugar, makakatulong ang pagiging alerto sa lahat ng panahon at handang makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang mga ipinatutupad na mga alituntunin.
Anumang panahon, hindi natin maiiwasan ang mga panganib. Maaaring madamay ang isa, maaa-ring nasa isang maling lugar at maling panahon lamang siya. Wrong place at the wrong time ‘ika nga.