Panalo ang inaapi

TALAGANG lalong umiinit ang politika sa bansa at matapos masiguro kung sinu-sino ang maging magkakalaban ay kanya-kanya na sila ng hanap ng magagamit na intriga na maipupukol sa katunggali.

At mukhang kinabahan ang mag-asawang negosyante sa isang bayan sa Bulacan dahil pumunta pa sila sa Palasyo ng Malacanang para humingi ng saklolo.

Ang gusto ng mag-asawa ay humanap ng maikakaso sa kanilang mga kalaban para mabawasan ang lakas nito.

Ang lakas din naman ng loob ng mag-asawang ito at gagamitin pa ang Malacanang para sa kanilang sariling kapakinaba-ngan.

Kaya lang ay mukhang malas sila dahil bigo silang makahanap ng baho kaya ang next option ay gamitin ang kanilang limpak-limpak na salapi para manatili sa puwesto.

Mayroon ding napaisip sa kanilang ginawa dahil mukhang nagkamali umano ang Tuwid na Daan sa binasbasang kandidato dahil hindi pala ito tuwid.

Nataranta daw ang mag-asawa matapos na dumagsa ang mga supporter ng kanilang kalaban noong naghain ang mga ito ng certificate of candidacy. At alam ng mag-asawa na hindi hinakot ang mga ito at walang balon ng pera na mapagkukuhanan ng ipambabayad sa mga pupunta.

Ngayon ay wala ring tigil sa pamimili ng suporta itong mag-asawa na ang ipinagyayabang ay ang kanilang hindi nauubos na kayamanan.

Magaling kasi magnegosyo ang mag-asawa mula sa lalawigan na sikat pagdating sa paggawa ng mga alahas.

Kung kayang itapon ng mag-asawa ang kanilang salapi para manalo, dapat ay mag-isip naman ang mga botante kung papaano ito babawiin sa kanila.

Kakarampot lamang ang sahod ng mga elected official at sa loob ng tatlong taong termino ay hindi ito makababawi sa kanyang ginastos at gagastusin pa.

Ngayon ay nagbabahay-bahay na ang mga tauhan ng mag-asawa para magbigay ng sarili nitong bersyon ng CCT (Conditional Cash Transfer).

Kung ang national government ang kondisyon sa CCT ay kailangang papasukin sa paaralan ang mga anak at magpa-checkup ang buntis, ang mag-asawa naman ang kondisyon sa buwanang pera na ibinibigay sa bawat pamilya, sila ang iboto sa Mayo.

Natatakot ang marami na baka daw lalong lumakas si Sen. Grace Poe sa patuloy na “pambubugbog” sa kanya gamit ang citizenship issue.

Baka daw kasi mangyari sa tunay na buhay ang ginagawa sa pelikula ng kanyang amang si Fernando Poe Jr.

Nagpapabugbog muna sa umpisa pero sa huli ay nagwawagi.

Dahil maraming kalaban, kahit na saan ay maaaring manggaling ang paggiba kay Poe.

Ang tanong na lamang ay kung sino ang makiki-nabang kung tuluyang mabubura sa balota ang kanyang pangalan.

Read more...