Ghost photos, true ba?

Ni Leifbilly Begas

MARAMI na tayong nakitang mga litrato ng multo.

Mga multo na nakukuhanan ng camera, minsan naka-post kasama ng tao at minsan naman ay nagtatago at kung minsan ay nagdaraan lamang nang mahagip ng kamera.

Mayroong mga nagsasabi na ang mga multo ay mga kaluluwa ng mga taong namatay nang walang kapayapaan, o kaya naman ay mayroon pa silang nais na gawin kaya hindi nila matanggap na sila ay patay na.

Narito ang ilan sa mga sikat na litrato ng multo at ang kanilang mga kuwento na pinili mula sa TopTenz.net.

The Wem Fire  Apparition, 1995
Isang litrato ang kinuha mula sa nasunog na gusali noong 1995 sa Wem town hall sa Shropshire, England.

Nang ma-print ang litrato ng kumuhang local photographer ay napansin nila ang isang batang babae na wala naman roon nang kuhanan.

Ang akala ng mga bumbero ay mayroon pa silang bangkay na hindi nakukuha kaya muli silang naghalughog sa lugar subalit walang nakita.Paniwala ng mga tao sa lugar ang bata ay si Jane Churm na nakasunog sa town hall nang aksidente niyang mahulog ang hawak na kandila noong 1677.

The Corroboree Rock Spirit, 1959
Kuha ni Reverend R.S. Blance ang litratong ito sa Corroboree Rock malapit sa Alice Springs, Australia noong 1959.

Hindi pa uso ang Internet at ang mga computer software ay kumalat na ang larawang ito.

Kung ngayon ito lumabas, marami ang hindi maniniwala na totoo ito dahil madali na lamang ito gawin ngayon sa tulong ng mga photo-effect programs.

Toys-R-Us, 1978
Limitadong tao lamang ang maaaring makapasok sa bahaging ito ng Toy R Us store sa Sunnyvale, California nang kuhanan ang litrato noong 1978.

Pero nagtataka ang mga tao sa lugar kung sino ang lalaking nakatayo sa hindi kalayuan.

Walang nakakakilala sa kanya o nakakaalala man lamang.

Wala ring tao na nasa loob na hindi nakuhanan.

Ang litrato ay kinuhanan ng crew ng TV program na That’s Incredible!.

Ang isa pang nakakapagtaka, wala naman ang lalaki sa kuha ng ibang kamera na sabay na ginagamit.

Mayroong kuwento noong 1869 na isang lalaki ang namatay sa lugar kung saan itinayo ang tindahan ng laruan.

The Chinnery Photo, 1959
Binisita ni Mrs. Mabel Chinnery ang puntod ng kanyang ina nooong 1959.

Bago umuwi inubos na niya ang film ng kanyang kamera at nilitratuhan ang kanyang mister na nasa driver’s seat ng sasakyan.

Nang ma-print ang litrato, isang babae na kamukha ng kanyang ina ang nasa passenger seat.

Ayon kay Mrs. Chinnery, ang kanyang ina ay palaging nakapuwesto roon.

Ipinasuri ang litrato sa mga photographic expert at ang kanilang konklusyon-hindi reflection o double exposure ang tao sa likuran.

The Brown Lady of Raynham Hall, 1936
Ang litratong ito ay isa sa pinakasikat na ghost photo sa Internet.

Ang kontrobersyal na litratong ito at kuha ng photographers ng London magazine Country Living noong 1936 sa loob ng Raynham Hall sa Norfolk, England.

Wala silang nakitang babae na bumababa sa hagdan ng kanilang kuhanan ang litrato.

Maraming eksperto ang sumuri sa negative film nito subalit wala sila nakitang pandaraya.

Paano gumawa ng multo sa litrato

Dahil sa teknolohiya ngayon, madali na ang gumawa ng litrato na may multo kaya maging maingat sa paniniwala sa mga ito.

Nagbigay ang eHow.com ng simpleng tips kung papaano makagagawa ng multo.

Ang kailangan lamang ay kamera na maaaring ma-adjust ang exposure.

Kalimitan na mayroon nito ang mga SLR camera.

Ang unang dapat na gawin ay maghanap ng kontroladong lugar kung saan kayu-kayo lamang ang tao.

Mas maganda kung mukhang nakakatakot ang lugar upang mas maging kapani-paniwala ito.

Ilagay ang kamera sa tripod upang hindi ito gumalaw.

Kailangan na manatili rin sa kani-kanilang puwesto ang mga tao na kasama sa litrato.

Ilagay ang exposure sa 10 seconds.

At kapag pinindot na ang shitter, ang magpapanggap na multo at kailangang tumakbo papalabas ng frame.

Kapag natapos na ang kuha, magmumukhang kaluluwang lumilipad ang nagpapanggap na multo.

(Editor: May tanong, reaksyon o komento ka ba sa artikulong ito? May nais ba kayong ipasulat o ipatalakay sa Bandera?  I-text ang pa-ngalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)

Read more...