HUMINGI ng paumanhin at pang-unawa ang Palasyo sa publiko matapos magalit ang publiko dahil sa naranasang parusang idinulot ng matinding trapiko matapos isara ang mga kalsada para sa mga delagado at lider ng mga bansa na dadalo sa Asia Pacific Economic Conference (APEC) Summit.
Sa isang text message, sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma na umaasa ang gobyerno na maiintindihan ng mga pasahero ang kahalagahan ng APEC Summit at ang mga benepisyong makukuha ng Pilipinas sa pagho-host nito sa bansa.
“Hinihingi naming ang paumanhin at pag-unawa ng mga mamamayan sa mga hakbang pang-seguridad na ipinapatupad na naging dahilan upang sila ay maglakad patungo sa mga destinasyon na malapit sa venues ng APEC summit,” sabi ni Coloma.
Nitong Lunes, umabot sa apat na kilometro ang nilakad ng libo-libong pasahero para lamang makapunta sa kanilang trabaho matapos isara ang mga kalsada para sa APEC summit.
Marami rin ang na-stranded na pasahero sa kanilang pag-uwi Lunes ng gabi matapos ganapin ang APEC CEO Summit sa Makati Shangrila na dinaluhan ni Pangulong Aquino.
MOST READ
LATEST STORIES