Los Angeles Lakers dinaig ang Detroit Pistons

LOS ANGELES — Gumawa si Kobe Bryant ng 17 puntos, walong rebounds at siyam na assists para tulungan ang Los Angeles Lakers na talunin ang Detroit Pistons, 97-85, sa kanilang NBA game kahapon.

Ito ang ikalawang panalo ng Lakers ngayong season at nakaiwas sila sa pinakamasamang 10-game start sa kasaysayan ng prangkisa.

Si Jordan Clarkson ay umiskor ng 17 puntos para sa Los Angeles na pinatid ang apat na larong pagtatalo matapos magbalik sa kanilang East Coast trip. Ang Lakers ay may 2-8 kartada at mas maganda ito ng isang laro kumpara noong nakaraang season kung saan nagtapos sila na tangan ang pinakamasamang rekord sa kasaysayan ng prangkisa.

Si Andre Drummond ay nagtala ng 17 puntos at 17 rebounds para sa Pistons, na tinapos ang six-game West Coast trip sa paglasap ng ikaapat na sunod na pagkatalo.

Tumira si Bryant ng 6 for 19 mula sa field kung saan naglaro siya ng season-high 37 minuto at nagpakita ng mahusay na all-around game sa laban.

Jazz 97, Hawks 96
ATLANTA — Umiskor si Derrick Favors ng 23 puntos habang si Rodney Hood ay nagdagdag ng 20 puntos para sa Utah Jazz na nasilat ang Atlanta Hawks at winakasan ang tatlong sunod na pagkatalo.

Kumana si Paul Millsap ng season-high 28 puntos para sa Hawks subalit sumablay siya sa kanyang 3-point attempt sa huling minuto at 12-footer sa pagtunog ng buzzer.

Sina Al Horford at Kent Bazemore ay kapwa may 16 puntos para sa Hawks.

Si Dennis Schroder ay nagtapos na may 11 puntos at siyam na assists para punan ang pagkawala ni Atlanta starting point guard Jeff Teague na hindi nakapaglaro bunga ng sore ankle.

Iba pang NBA results: Celtics 100, Thunder 85; Kings 107, Raptors 101; Hornets 106, Trail Blazers 94; Knicks 95, Pelicans 87; Grizzlies 114, Timberwolves 106.

Read more...