Ngayon pa lang ay inaabangan na ng marami ang comeback movie ng Mega Couple na sina Donna Villa at Director Carlo J. Caparas, ang remake ng classic Lino Brocka film na “Angela Markado” na pinagbidahan noon ni Hilda Koronel.
Ang bagong movie version naman nito ay pagbibidahan ni Andi Eigenmann na nagsabing kakaiba ang naging experience niya sa mga kamay ni direk Carlo habang ginagawa nila ang pelikula tungkol sa isang babaeng biktima ng gang rape na isa-isang pinaghigantigan ang kanyang mga rapist.
Kung matatandaan, ang mag-asawang Donna at Carlo ang nagpauso ng “massacre movies” noong dekada 90 tulad ng “Vizconde Massacre”, “Myrna Diones Story”, “Lipa Massacre” at marami pang iba.
Ayon kay direk Carlo sa ginanap ng presscon ng “Angela Markado” kamakailan na inorganisa ni PAO Chief Atty. Persida Acosta na kasali rin sa pelikula bilang abogadang humawak sa rape case ni Angela Markado, bumilib siya sa dedikasyon ni Andi sa kanyang trabaho.
“Naidirek ko na sina Vilma (Santos), Kris (Aquino), Sharon (Cuneta) sa mga pelikula ko noon. Sa performance dito ni Andi malayo ang mararating niya at hahanga kayo sa kanya,” sey ni direk.
“Walang reklamo si Andi dito payag siya kaagad kasi alam niya na ikagaganda ng pelikula. Yung mga scenes na sinasaktan siya ng rapists niya, totoo lahat yun hindi siya nagpa double,” aniya pa.
Dagdag pa ng direktor tiyak daw na masa-shock ang mga manonood sa mga ginawa ni Andi sa movie.
Showing na ang “Angela Markado” sa Dec. 2 sa mga sinehan.
Makakasama rin dito sina Bret Jackson, Buboy Villar, Mika dela Cruz, Epi Quizon, Paolo Contis, Polo Ravales at marami pang iba.