Golden State Warriors ginapi ang Brooklyn Nets sa OT

OAKLAND, California — Kinamada ni Stephen Curry ang 21 sa kanyang 34 puntos matapos ang halftime habang si Andre Iguodala ay tumira ng clutch 3-pointer para pamunuan ang Golden State Warriors na malusutan ang Brooklyn Nets sa overtime, 107-99.

Si Iguodala ay nagdagdag ng 18 puntos para sa Warriors, na nakuha ang ika-11 sunod na panalo sa pagsisimula ng season. Si Andrew Bogut ay nag-ambag naman ng 10 puntos at 18 rebounds.

Nagtala si Draymond Green ng triple-double sa ginawang 16 puntos, 12 assists at 10 rebounds habang si Harrison Barnes ay nagdagdag ng 13 puntos para sa Golden State.

Umiskor si Jarrett Jack ng season-high 28 puntos habang si Thaddeus Young ay nag-ambag ng 24 puntos at 10 rebounds para sa Nets.

Sina Jack at Young ay parehong naghulog ng isang pares ng free throws sa huling 30 segundo ng regulation para ibigay sa Nets ang tatlong puntos na kalamangan.

Itinabla ni Iguodala ang laro sa pagbuslo ng isang 3-pointer may 5.9 segundo ang nalalabi bago sumablay si Brook Lopez sa kanyang short jumper sa pagtunog ng buzzer.

Ginawa ng Warriors ang unang 10 puntos sa ekstrang yugto para makalayo at kunin ang panalo.

Bucks 108, Cavaliers 105
MILWAUKEE — Umiskor si Jerryd Bayless ng 17 puntos at hindi pinaiskor si LeBron James sa huling 3:15 ng ikalawang overtime para tulungan ang Milwaukee Bucks na talunin ang Cleveland at putulin ang eight-game winning streak ng Cavaliers.

Gumawa si James ng 37 puntos para sa Cleveland, na natalo sa unang pagkakataon matapos na makalasap ng 97-95 kabiguan sa Chicago Bulls sa kanilang season opener.

Kumana si Michael Carter-Williams ng 17 puntos para sa Milwaukee, si Giannis Antetokounmpo ay nagtala ng 16 puntos at 11 rebounds habang si Greg Monroe ay nag-ambag ng 16 puntos at 17 rebounds para sa Bucks.

Si Bayless ang natokang bumantay kay James matapos na si Antetokounmpo ay mag-foul out may 3:15 ang nalalabi sa ikalawang overtime at hindi na niya pinapuntos ang Cleveland star sa laro.

Clippers 101, Pistons 96
LOS ANGELES — Gumawa si Blake Griffin ng 34 puntos kabilang ang isang krusyal na jumper may 17 segundo ang nalalabi sa laro para pangunahan ang Los Angeles Clippers na makabangon at talunin ang Detroit Pistons tungo sa pagputol ng dalawang sunod na pagkatalo.

Read more...