DINISKARIL ng University of the East Red Warriors ang tsansa ng Ateneo de Manila University Blue Eagles na makakuha ng twice-to-beat advantage sa Final Four matapos manaig, 74-69, sa kanilang UAAP Season 78 men’s basketball game kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ginawa ni Clark Derige ang anim sa kanyang 17 puntos sa huling 45.2 segundo ng laro para pamunuan ang Red Warriors sa panalo.
“We’re fighting for survival. Even though we have a slim chance, we just came out and got ready against Ateneo and that’s what happened,” sabi ni UE head coach Derrick Pumaren, na ang 14-puntos na kalamangan ng koponan ay biglang naglaho sa ikatlong yugto. “We kept our poise in the end when we weren’t making baskets in the fourth quarter.”
Ang reverse layup ni Derige ang nagbigay sa UE ng limang puntos na bentahe, 67-62, may 45.2 segundo ang nalalabi.
Sinelyuhan ng Red Warriors ang ikalimang panalo sa free throw line kung saan ibinuslo nila ang pito sa walong free throws sa huling 32.8 segundo ng laro.
“The chance that we have, we hope we continue that in our next game. It doesn’t matter if we make it or not. We’re going all out on Wednesday,” dagdag pa ni Pumaren.
Ang pagkatalo ng Ateneo ay nagkaloob naman ng huling twice-to-beat advantage sa Far Eastern University Tamaraws.
Ang Blue Eagles ay tumapos naman sa No. 3 spot at papasok sila sa semifinals na may 9-5 kartada.
Kinamada ni Kiefer Ravena ang 15 sa kanyang game-high 28 puntos sa ikaapat na yugto para sa Ateneo na naputol ang five-game winning streak.
Sa ikalawang laro, ginapi ng National University Bulldogs ang FEU Tamaraws, 70-68, para muling magsolo sa ikaapat na puwesto matapos isara ang kampanya sa 7-7 karta.