Markado na ngayon ang bagong bahay ni Alden Richards sa Nuvali, Sta. Rosa, Laguna. Alam na ng mga tagaroon na kanya ang malaking bahay na ipinare-renovate pa ng Pambansang Bae.
Mahihirapan lang na makapasok du’n nang basta-basta ang mga tagahanga ng sikat na aktor, mahigpit ang mga tagapamahala ng exclusive village, itinatawag muna sa homeowner ang sinumang gustong magpunta sa kanilang bahay.
Napakalaki na nga ng ipinagbago ng buhay ni Alden, sa isang iglap ay sumikat siya nang todo, hanggang sa ibang bansa ay sila ni Maine Mendoza ang gustong kunin ng mga show promoters dahil sa kasikatan ng AlDub.
Pag-alala ng kanyang dating katrabaho, dati raw ay nakikisabay lang ang guwapong aktor sa crew ng produksiyon, lalo na kapag malalayo ang location nila.
“Naghihintay talaga siyang matapos ligpitin ng mga crew ang lahat ng kable, sinasabayan niya ‘yun ng tulog, napakatiyaga talaga ng batang ‘yun. Wala siyang arte sa katawan, very professional, kaya ito na ang premyo niya.
“Maraming masaya sa kasikatan niya, dapat lang talaga siyang suwertihin, mahal niya kasi ang trabaho niya,” kuwento ni Direk Marlon Bautista na nakasama ni Alden Richards sa pelikulang “Panday”.
Ang nagagawa nga naman ng pagiging mapagkumbaba, propesyonal at pagpapahalaga sa trabaho. Heto na ngayon si Alden Richards, pinakasikat na sa kanyang hanay, maraming salamat sa milagrong ibinigay ng AlDub sa kanyang buhay at karera.