SIGURADONG mag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mag-BFF na sina Lovi Poe at Heart Evangelista upang tumulong sa kampanya nina Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero next year.
Ayon mismo sa mister ni Heart na si Chiz na tumatakbong pangalawang pangulo ng bansa.
“Kapag umikot man si Heart, malamang ang kasama niya ay isa sa mga matalik niyang kaibigan na kapatid ni Sen. Grace na si Lovi.
Para pag umikot sila ay ‘Poe at Escudero’ rin sila,” natatawang sabi ni Chiz sa isang interview.
Paglilinaw ng senador, hindi niya inoobliga si Heart na sumama sa kampanya lalo na at busy rin ito sa kaniyang showbiz career.
“Siyempre, priority pa rin niya ang trabaho niya. Mas pinili kasi namin na magkahiwalay yung mundo namin. ‘Ika nga, noong kami ay ikinasal, ang usapan namin ay kailanman hindi siya papasok sa pulitika at kailanman hindi rin ako papasok sa showbiz,” kwento ni Chiz.
“Para pag-uwi namin sa bahay mula sa trabaho namin ay at least iba yung pinag-uusapan namin at may natututunan kami sa isa’t isa,” dagdag pa ng mister ni Heart.
Biro pa ni Chiz, ayaw nga raw niyang isama si Heart sa kampanya dahil nasasapawan siya ng aktres, “Pag kasama ko po siya baka siya na lang po ang pansinin ninyo at hindi niyo na ako pansinin,” natatawang sabi ng senador.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Heart na talagang hahanapan niya ng panahon para makasama sa pag-iikot ng kanyang asawa sa darating na campaign season. Pero tulad nga ng sinabi ni Chiz, hindi raw siya inoobliga ng asawa na laging sumama sa kanya sa kampanya lalo na kung may trabaho siya.