140 patay sa terror attacks sa France

PARIS — Humigit-kumulang 140 katao ang nasawi sa serye ng pag-atake ng mga terorista sa kabisera ng France Sabado ng madaling araw.
Naganap ang pinakamalalang pagpatay sa isang concert venue kung saan maraming tao ang hinostage bago pinasabugan ng bomba ng mga terorista.
Napatay naman ng mga rumespondeng pulis ang tatlong suspek sa concert hall.
Ayon sa isang opisyal, maaaring umabot sa limang suspek ang napatay, pero hindi malinaw kung ilan talaga ang umatake at kung ilan ang nakatakas.
Maliban sa mga nasawi sa concert, iniulat din ng pulisya na 11 ang napatay sa isang restaurant sa Paris at tatlong iba pa sa labas ng isang stadium.
Naganap ang mga pagsabog sa Stade de France stadium, kung saan ginaganap ang isang France-Germany exhibition soccer game, sa dalawang gate at sa harap ng isang fastfood restaurant.
Agad namang nagdeklara ng state of emergency si President Francois Holland saka ipinag-utos ang pagsasara ng mga boarder.
Napag-alaman na nasa loob ng stadium si Holland nang maganap ang mga pagsabog.
Aniya, mananatiling matatag at buo ang bansa sa harap ng trahedya.
“This is a terrible ordeal that again assails us,” dagdag niya. “We know where it comes from, who these criminals are, who these terrorists are.”
Wala naman agad umako sa pag-atake, pero ikinatuwa ng mga Jihadists ang pangyayari habang tinutuligsa ang mga operasyon ng militar ng France laban sa ISIS.

Read more...