Walang dignidad si Honrado

HINDI ba nakakatawa na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang mga pasaherong nakitaan o natamnan ng bala sa kanilang mga bagahe ay inaaresto at ikinukulong kaagad, pero ang mga preso sa New Bilibid Prisons (NBP) na nakitaan na may mga baril at bala sa kanilang mga selda ay hindi pinaparusahan?

Kahit isang kaso ay walang naisampa sa mga preso na nakitaan na may baril at bala.

Ito’y nagpapakita lamang na kinukulong lang ng gobyerno ang mahihirap at pinakakawalan ang mga malalaking isda.

Ang mga malalaking isda sa NBP ay mga drug lords na kayang suhulan ang mga opisyal at guwardiya samantalang ang mga overseas contract worker o ordinar-yong mamamayan ay walang pera na ipansuhol sa mga pulis sa NAIA.

Nanawagan si INQUIRER columnist Ramon Farolan kay Angel Jose Honrado, general manager ng NAIA, na magbitiw na sa kanyang tungkulin dahil sa “ta-nim bala” scandal sa airport.

Sina Farolan at Honrado ay kapwa retired general ng Philippine Air Force.

“There is life after government service,” ani Farolan kay Honrado sa kanyang column.

Pero hindi nagpatinag si Honrado kahit na kapwa na niya heneral ang nananawagan sa kanya.

Malaki kasi ang mawawala kay Honrado kung siya’y magbibitiw sa tungkulin: P1 milyong intelligence fund kada buwan na walang audit-audit.

Nakalimutan na marahil ni Honrado na siya’y isang officer and a gentleman noong siya’y nasa serbisyo pa.

Ibig sabihin ng gentleman ay lalaking marangal.

Nawawalan ng dangal ang ilang tao kapag nakahawak na ng pera.

Sinabi ni Laguna Provincial Prosecutor George Dee sa Letters to the Editor sa INQUIRER na kahit na isang bala lang na dala-dala mo ay labag na sa batas.

I agree with Dee, da-ting reporter ng Philippines News Agency (PNA) noong 1972-75 kung saan ang inyong lingkod ay isang deskman.

Dura lex, sed lex. Ang batas ay batas gaano man ito kabagsik.

Pero naman! Ang isang government prosecutor ay may kapangyarihang ibasura ang isang kasong possession of a bullet kung ang nagmamay-ari nito ay walang intensiyong ma-nakit ng ibang tao.

Halimbawa, ang isang matandang babae na nagdala ng bala upang panangga sa kulam ay dapat bang kasuhan?

Bobo ang mga go-vernment prosecutors ng Pasay City na humawak ng imbestigasyon sa kasong bullet possession dahil di nila kinonsidera ang motibo ng respondent.

Bakit naman kakasuhan ang respondent na nahulihan ng bala kung wala siyang intensiyon na manakit?

At aanhin naman ang bala na walang baril?

Sentido komon lang po, Mr. Dee!

Pero karamihan sa iyong mga kasamahan ay hindi ginagamit ang common sense.

Karamihan sa mga prosecutors ngayon ay masyadong tamad o masyadong bobo upang makapagdesisyon sa kanilang sarili.

They play safe and pass the case to the judge to decide.

Ang isang prosecutor ay may kapangyarihan na ibasura ang isang kaso.

Kung hindi n’yo ginagamit ang inyong utak, aba! mawawala iyan pagdating ng araw.

Read more...