WALA munang papayagang magbitbit ng baril sa Metro Manila habang idinadaos ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) leaders’ meeting sa susunod na linggo, maliban sa mga awtoridad, ayon sa National Police kahapon.
Suspendido ang lahat ng permit to carry firearms outside residence (PTCFOR) sa Metro Manila mula Nobyembre 16 hanggang 20, sabi ni PNP chief Director General Ricardo Marquez.
“This is part of the security preparations to ensure safety of the delegates and their families who will attend the [APEC meeting],” sabi ni Marquez isang kalatas.
Mga miyembro lang ng PNP, Armed Forces of the Philippines, at ibang law enforcement agency na may official duty at nakasuot ng tamang uniporme ang maaring magdala ng baril, aniya pa.
Nagbabala naman si Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na maaring sampahan ng kasong may penalty na “prision correctional” (6 buwan at isang araw hanggang 6 taon) at fine na P10,000 ang sinumang mahuhuling may bitbit na baril habang suspendindo ang PTCFOR.
Maaari ring suspendihin o tuluyang ma-revoke ang pribilehiyong magdala ng baril ng sinumang lalabag sa gun ban, batay sa Section 30 ng Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, ayon kay Mayor.
MOST READ
LATEST STORIES