Bahay Kubo, Bahay Badjao

HINDI inhinyero ang ating mga ninuno. Hindi rin inhinyero ang mga Badjao. Pero, kailanman, makakalikasan ang kanilang mga bahay at umaayon sa pagpalit ng panahon, pati na sa pagdalaw ng mga bagyo’t baha. Ang sahig ng bahay kubo ay kawayan at may mga siwang para daanan ng hangin (pababa, hangin mula sa bahay at lagusan na rin ng amoy; pataas, hangin mula sa ibaba para maging presko ang loob ng bahay; lupa ang ilalam ng bahay, o sahig ng silong, para sipsipin ang tubig na ibababa mula sa bahay, ulan o baha; pawid ang bubong at dingding na umaayon sa ihip at hagupit ng hangin at mabisang pananggalang sa init (di tulad ng semento, na mainit sa gabi dahil inilalabas niya sa loob ng bahay ang init na nasagap sa umaga; at malamig sa umaga dahil inilalabas niya ang lamig na nasagap sa gabi). Ang bahay ng Badjao ay, kung maaari, nakatuntong sa batong buga sa dalampasigan at ang taas nito mula sa dagat ay doble ng sukat simula sa sahig hanggang sa bubong; kawayan din ang sahig at malalaki ang bintana para lagusan ng simoy hanging-dagat. Kailangang magkakadikit sila at nakatali. Kapag marami ang nagkakadikit-dikit ay lilikha ito ng bigat at pundasyon na kaya ang alon, sa ngalit ng panahon. Ang bahay kubo at bahay Badjao ay paalala ng paggalang sa kalikasan. Sa Metro Manila, hindi tayo babalik sa nakaraan, pero di ba’t mali ang makabagong disenyo? Baka gusto ninyong tanungin ang mga Ivatan ng Batanes…

LITO BAUTISTA, Executive Editor

BANDERA, 101509

Read more...