Tanim-bala scheme matagal nang nangyayari

KAHIT ano pang tanggi ng mga opisyal sa airport, meron talagang naglalaglag o nagtatanim ng bala sa mga bag ng ating mga biyahero.

Tulad ni Rhed de Guzman, Fil-Am caregiver sa America, na nagsumbong sa kanyang sinapit sa airport.

Dalawang insidente rin ng tanim-bala ang i-niulat ng aming Paris Online correspondent na si Berly Tugas.

Sa report, noong 2012 ay nahulihan daw ng bala sa final screening. Ang tanong, bakit sa final screening lang at hindi sa una pa lamang?

Siyempre kapag nagmamadali na, panic at takot na ang mangi-ngibabaw, kaya kahit anong ipagawa at hingin sa kanila ay gagawin na.

Kaya nang sinabi sa kanilang may bala sa kanilang bag, nag-hysterical na si misis. Nagsimula na itong magwala. Hindi umanosila puwedeng maabala dahil mawawalan sila pareho ng trabaho ng kanyang mister, pati na ang anak na pumapasok sa eskuwela.

May kakilala ang kanyang asawa sa airport at ipinaaregolo na lang ang kanilang kaso sa halagang P5,000 para hindi na lang maabala.

Ayon nga sa report, mula P1,000 hanggang P50,000 ang lagayan sa airport.

Ganoon din ang kuwento ng isang OFW na nasa France. Kwento niya, noong 2013, sa takot na hindi makaalis ay naglagay na rin siya para lang di maabala ang paglipad patungong France. Hindi na rin niya binanggit kung magkano ang kanyang iniligay.

Natutuwa sila at napabalita na ang ganitong modus sa media. Panawagan nila sa pamahalaan, huwag magbulag-bulagan dahil totoong may nagaganap na ganitong mga operasyon at apektado na pati ang imahe ng bansa. Nahihiya rin sila dahil kapag nalamang Pilipino sila, agad itinatanong ng mga dayuhan ang isyu tungkol sa tanim-bala sa airport.

Sa isang report sa telebisyon, isang dating security screening officer sa NAIA ang umamin na totoong may “raket” ngang nangyayari sa airport. Ngunit hindi naman daw ito organized syndicate kundi mga indibid-wal na malalakas lang ang loob na makapangbiktima ng mga papaalis na OFW at dayuhan.

Ipinakita pa sa video kung papaanong iniipit ang naturang bala at ihuhulog sa bag nang napiling biktima na mukhang mapera. Madalas umano ay mga dayuhan at OFW, matatanda at bata ang nabibiktima dahil madaling takutin, tulad nang mga Japanese na paboritong biktima ng mga ito, at sa takot na makasuhan at maabala dahil hindi nga makakaalis, maglalagay na rin sila.

Bukod pa sa hindi rin kayang isugal ng ating OFW ang kanilang mga trabaho at kontratang natanguan sa abroad, pi-kit-mata na lamang nilang aakuin ang bintang at maglalagay na lamang.

Hindi rin naniniwala ang Bantay OCW na ngayon lamang ito nangyayari. Noon pa ‘yan nangyayari ngunit wala lamang naglakas-loob na magreklamo.

May nakatakda nang imbestigasyon sa Senado, hiyaw ng ating mga kababayan sa abroad, sana may mangyari! Papanagutin ang mga may sala at ipakita natin sa buong mundo, na hindi na nga dapat katakutan pa ang magbiyahe sa Pilipinas. Sana nga.

Read more...