Hatawan showdown ng mga tsikiting sa ‘Dance Kids’

dance kids

Hindi lang sa kantahan at aktingan angat ang talento ng Pilipino. Kaya naman sa Dance Kids, handa nang patunayan ng mga bagets ang galing ng mga Pinoy sa pagsasayaw sa kauna-unahang dance competition for kids na magsisimula na sa Sabado (Nob. 14).

Magsisilbing hosts ng programa sina Robi Domingo at Alex Gonzaga. Dito, hahataw sa sayawan ang iba’t ibang solo, duo, at group dance artists mula apat hanggang 12 taong gulang. Sasabak sa “tryouts” ang 60 acts na hahatiin sa dalawang teams sa ilalim ng dalawang dance celebrities.

Dito sasalain sila ng Dance Masters na sina Georcelle Dapat-Sy, Andy Alviz at Vhong Navarro na mga pinakarespetadong pangalan sa pagsayaw sa Philippine entertainment. Para makalusot dito, kailangang mapa-“stomp” nila ang tatlong Dance Masters.

Kilalanin ang mga batang mapapa-stomp ni Teacher Georcelle, na 14 years old pa lang nang unang sumayaw sa TV hanggang sa maging miyembro ng Hotlegs. Noong 2004, itinatag niya ang G-Force na nagpe-perform kasama ang pinakamalalaking local celebrities. Siya rin ang dance mentor sa Your Face Sounds Familiar.

Nandiyan din si Andy Alviz, isang batikang choreographer at artistic director. Naging resident choreographer si Andy para sa mga lokal na produk-syon ng “Miss Saigon” sa Asya, at sa Kapamilya shows gaya ng Sang Linggo nAPO Sila at ASAP.

Siya rin ang nagtayo ng Whiplash Dance Company, ang isa sa mga pinakakilalang jazz dance groups sa bansa, at naging kilala sa pagdidirek at pagpoprodus ng musical at albums. Bago naman maging isang aktor, komedyante, at host, gumawa muna ng pangalan si Vhong bilang isang dancer kasama ang grupong Streetboys.

Maituturing niyang first love ang pagsasayaw, kaya naman malaki raw ang utang na loob dito dahil ito ang nagpasok sa kanya sa showbiz. At sa Dance Kids, excited siyang magbahagi ng kanyang kaalaman at experience sa pagsasayaw.

Samantala, kapag hindi naman pumasa ang isang act sa tatlong Dance Masters, kaila-ngang kumbinsihing muli nito ang isa o dalawang Dance Master para makapagbigay sila ng unanimous decision.

Sa pagtatapos ng “tryouts”, tanging 16 acts kada team na lang ang matitira. Muling malalagasan ang natitirang 32 acts kapag sumalang sila sa “dance offs”, kung saan pagbabanggain ang dalawang acts mula sa magkalabang team.

Mula sa 32 na ito kukunin ang Top 16 acts na magpapa-kitang gilas at papatunayan ang kanilang galing, potential, at versatility sa pamamagitan ng thematic solo performances. Matapos ang ilang linggo, ang tanging matitira ay ang Final 4 na siya namang magtutunggali sa grand finals.

Ang mga ito naman ang maglalaban-laban para sa mga boto ng publiko at ang mananalo ang siyang tatanghaling kauna-unahang Dance Kids grand champion. Sino-sinong bata ang aangkin ng dance floor? ‘Yan ang tutukan sa unang pasabog ng Dance Kids ngayong Sabado, 6:15 p.m. at Linggo, 6 p.m. sa ABS-CBN.

Read more...