Sa GMA Telebabad series na Little Nanay gagampanan ni Nora ang role ni Lolay Annie Batongbuhay, ang lola ni Tinay to be played by Kris Bernal na isang dalagang mentally-challenged na mabubuntis ng kanyang kababata.
Kuwento ni ate Guy, magkahalong drama at comedy ang kanilang serye kaya tiyak daw na mag-eenjoy ang manonood. May social relevance rin daw ang Little Nanay dahil tatalakayin nga rito kung paano nabubuhay ang isang dalagang may problema sa pag-iisip at kung paano siya pinoprotektahan ng kanyang pamilya at iba pang mga taong nakapaligid sa kanya.
Makakasama rin sa Little Nanay sina Bembol Roco, Sunshine Dizon, Gladys Reyes, Keempee de Leon, Paolo Contis, Mark Herras, Juancho Triviño, Hiro Peralta, Chlaui Malayao, Renz Fernandez, Jinri Park, Rafa Siguion-Reyna at Winwyn Marquez.
Magsisimula na ito sa Nov. 16 pagkatapos ng 24 Oras, sa direksiyon ni Ricky Davao.
Napaiyak naman si Kris Bernal sa presscon ng Little Nanay nitong Martes ng gabi. Sobra raw kasi ang nerbiyos na nararamdaman niya na parang noon lang uli siya uli humarap sa press people.
Ayon kay Kris, napakaraming hirap daw talaga ang pinagdaanan niya bago niya nakuha ang role ni Tinay sa serye. Bukod sa napakara-ming workshops ay dumaan din daw siya at ang iba pang cast sa immersion para mas maging makatotohanan ang kanyang pagganap bilang dalagang may sakit sa pag-iisip.
Kuwento ni Kris, nakailang screen test din daw siya sa Little Nanay dahil gustong mapatunayan ng mga bossing ng GMA na karapat-dapat nga siyang magbida sa serye.
May mga pagkakataon pa nga raw na kinakabahan siya dahil baka hindi na mapunta sa kanya ang napakagandang project na ito.
“Tsaka noon, napapanood ko lang sa TV at pelikula si Ms. Nora Aunor, pati sina Eddie at kuya Bembol and sina Ms. Gladys, tapos heto, kasama ko na sila sa isang teleserye. Sobrang overwhelming talaga ng feeling.
Kaya nagpapasalamat ako sa GMA dahil sa akin nila ipinagkatiwala ang proyektong ito at promise ko po, gagawin ko ang best ko para mabigyan ng justice ang role ko,” pahayag ni Kris.
Dagdag pa ni Kris, talagang tinututukan ni direk Ricky Davao ang kanyang akting para maging consistent ang kanyang pagganap dahil mahirap daw talaga ang role niya sa Little Nanay.
“Kailangan kasi consistent yung mannerisms at yung pagsasalita ko,” ani Kris.