PBB winner Jimboy na-shock paglabas ng Bahay Ni Kuya

jimboy martin

Hindi akalain ni Pinoy Big Brother 737 Big Winner na si Jimboy Martin na biglang magbabago ang takbo ng buhay niya ngayong 2015. Ayon sa binata, na-shock siya nang paglabas niya sa Bahay ni Kuya ay marami na ang nakakakilala sa kanya.

“Hindi ko po ini-expect na mangyayari sa akin ito kasi nandoon tayo sa punto na madami ang nakakakilala sa iyo. ‘Di tulad ng dati na nakakapaglakad-lakad ka pa sa mga eskinita, ngayon hindi na po,” ayon kay Jimboy nang makapanayam ng media sa presscon ng bagong all-male group na #Hashtags na mapapanood na araw-araw sa It’s Showtime.

Ayon sa binata, nang dahil sa PBB 737 ay mas naging confident siya at natutong magpahalaga sa pinakamaliit na bagay sa kanyang buhay, “Bago ako pumasok sa PBB ako po ‘yung taong tahimik, walang tiwala sa sarili.

Akala ko ay wala akong kaya, ‘yung tipong sobrang babaw ko.”  “Siguro ang pinakanatutuunan ko ay bigyan ng tiwala ang sarili ko at saka ‘yung paghubog ng talento ko. ‘Yung tipong nothing is impossible with God.

Kasi sa Bahay ni Kuya akala mo hindi mo kaya, pero kapag nagpursige ka na gawin ‘yon ay makakaya mo pala, maiisip mo ‘kaya ko pala.’ So kailangan mo ng tiwala sa sarili at magpakatatag,” aniya pa.

At sa pagkakasali niya sa #Hashtags, isang bagong challenge na naman daw ito para sa kanya, lalo pa’t sa noontime show ng ABS-CBN sila mapapanood tuwing tanghali. “Dito sa #Hashtags marami silang makikita sa amin at kikiligin po sila.

Makikita nila ang mga suabe moves namin. More on dancing kasi kasama ko sila kuya Zeus (Collins, dating PBB 737 housemate ) ang gwapo moves niya at ang mga kasamahan ko si McCoy (de Leon) at Jameson (Blake).”

Inamin din ni Jimboy na bukod sa pagra-rap trip din niyang i-try ang acting, “Actually gusto ko pong maranasan ‘yon kasi po isa po ‘yon sa pangarap ko talaga kahit noong bata pa ako.”

Dream come true rin para sa binata ang makasama sa stage ng Showtime ang idol niyang si Gloc9, “Sobrang saya ko po, grabe hindi ko maipaliwanag yung feeling.”

Kasali rin sa grupong #Hashtags sina Tom Doromal, Paulo Angeles, Jon Lucas, Ryle Santiago, Ronnie Alonte, Nikko Nativida at Luke Conde.

Read more...