Cebu swimmers humahataw sa PNG

DALAWANG manlalangoy ng Cebu City na kapwa pinagtuunan ang kanilang mga pag-aaral sa kolehiyo ay nanalo ng pinagsamang pitong gintong medalya sa Visayas leg ng 2015 Philippine National Games (PNG) na opisyal na binuksan kahapon sa Evelio B. Javier Memorial Sports Complex sa San Jose, Antique.
Si Michael Ichiro Kong ay nagwagi ng apat at si Trina Caneda ay sumisid ng tatlong ginto para pangunahan ang Cebu na may kabuuang siyam na gintong medalya sa pagbubukas ng swimming competition kahapon ng umaga.
Isang Palarong Pambansa medalists, ang 16-anyos na mag-aaral ng University of Cebu sa kursong Information Technology na si Kong ay nangibabaw sa boys 16-over 400m free style (5:00.69), 200m backstroke (2:39.31) at 200m butterfly (2:32.96) at kabahagi sa nanalong relay team sa 200m medley (2:07.49).
“Last national event ko po ay sa Palaro sa Tagum at wala po akong medalya. Ngayon po ay focus ako sa studies at ang swimming ay pang-enjoy na lang. Medyo mababa po ang time ko pero nanalo pa rin dahil halos kami-kami lang ang naglalaban,” wika ni Kong na may pitong events pang sasalihan.
Ang 19-anyos na si Caneda, na third year student sa UC sa kursong Education, ay nagdomina naman sa girls 16-over 400m freestyle (5:44.75) at 200m backstroke (3:03.08) at kasapi sa 200m medley relay (2:26.53).
“Sa PNG Dumaguete three years ago ang huling national event ko at high school pa po ako. Sabi ng coach namin sa UC ay hindi namin dapat pabayaan ang aming pag-aaral kaya ito priority ko kaya masaya ako at nanalo ako,” sabi ni Caneda.
Hindi naman nagpahuli ang host Antique dahil si Rikka Michel Duarte ay nagkampeon sa girls 16-over 100m free (1:12.60) habang si Christian Ivan Salud ng Maasin, Leyte ang nanaig sa boys 16-over breast stroke (34.56).
Mismong si Gov. Rhodora J. Cadiao ang sumalubong sa mga atletang nasa kanyang probinsya at pormal na nagbukas sa naturang palaro kahapon ng hapon sa Complex.
Ipinuntos ng Gobernadora, na naupo lamang noong Pebrero, na ang hosting ay ginawa ng probinsiya para ipakita sa lahat ang pagbangon ng Antique matapos ang gusot sa politika sa mga nakalipas na taon.
“In less than a year we have effected many changes, our achievements made possible by the unity and assistance coming for the executive and legislative leaders, local officials, employees and the Antiquenos themselves. It’s our time. Kami naman. Tayo naman,” ani Cadiao.

Read more...