Valentine movie nina Alden at Yaya Dub tuloy na; binubuo na ang script at cast

MAINE MENDOZA AT ALDEN RICHARDS

MAINE MENDOZA AT ALDEN RICHARDS

NGAYON pa lang ay binubuo na ang konsepto ng gagawing pelikula ng AlDub para sa darating na Araw Ng Mga Puso.

Tama, binabalangkas na ngayon ang magiging takbo ng kuwento ng unang proyektong gagawin nina Alden Richards at Maine Mendoza, ayon sa aming kausap ay ipalalabas ‘yun sa Valentine’s Day.

Kung sa MMFF ay marami nang nagsasabing nakakahon na ang “My Bebe Love” na pinagbibidahan nina Bossing Vic Sotto at Ai Ai delas Alas dahil kasama rin sa pelikula ang AlDub, ano kaya ang magiging senaryo kapag silang dalawa na mismo ang pumoposte sa pelikula, siguradong wawasakin ng AlDub Nation ang takilya kapag nagkataon.

Hanggang ngayon ay wala pa ring makapagbigay ng paliwanag kung bakit naging ganito kasikat ang AlDub.

Bigla na lang silang i-pinanganak para hangaan at kakiligan ng ating mga kababayan.

Kahit saan sila dalhin ngayon ay nagiging malaking problema ng mga security, lahat ng mga glossy magazines ay sila ang laman, hindi mabubuo ang sipi ng isang tabloid kapag walang kuwento tungkol kina Alden Richards at Yaya Dub.

Gasgas na ang salitang penomenal, ‘yun lang ang paglalarawang aakma sa kasikatan ng loveteam, wala nang iba pa.

Komento ng kaibigan naming propesor, “Sila ang Guy & Pip ng panahong ito. Sila ang pinakasikat, ang dinadambana ng mga fans, ang kinakikiligan na wala naman tayong mailapat na dahilan kung bakit.”

Read more...