Jm tsinugi na sa ‘All of Me’, Albert ibinalik bilang ka-loveteam ni Yen

jm de guzman

So, totoo nga ang chika na tsi-nugi na si JM de Guzman sa afternoon series ng ABS-CBN na All Of Me dahil biglang ibinalik sa kuwento si Albert Martinez na sa pagkakaalam namin ay wala sa original script ng programa.

In-announce ng ABS-CBN na muling pagtatagpuin ang landas nina Albert (bilang si Manuel) at Yen Santos (Lena) simula ngayong linggo sa top-rating sa All of Me.

Nu’ng una kasi naming makausap si Albert tungkol sa balitang tatanggalin na si JM sa serye dahil sa mga personal na problemang kinakaharap nito ngayon ay wala raw siyang idea.

Basta ang alam niya isa hanggang dalawang linggo lang siyang mapapanood sa All Of Me dahil nga sina Yen at JM ang talagang mga bida rito. Hindi raw kasi siya pwedeng magtagal sa nasabing serye dahil magsisimula na rin noon ang series ni Coco Martin na Ang Probinsiyano kung saan mas mahaba ang role niya.

Walang official statement ang Kapamilya network tungkol sa pagkatsugi ni JM ngunit kinumpirma nga nitong babalik na si Albert sa serye. Very excited naman si Albert na makatrabaho uli si Yen at ang iba pang cast.

“Masaya ang set at natutuwa ako na bahagi ulit ako ng All of Me. Mula sa unang araw pa lang, naniniwala ako sa project dahil minsan lang mabigyan ng opportunidad na magkaroon ng isang materyal na kasing ganda ng All of Me,” sey ng aktor.

Ang pagbabalik ni Albert bilang Manuel at ang mga hamon na kanyang haharapin sa mga susunod na episodes ay ang mga eksenang hindi dapat palagpasin ng mga manonood.

Muling nakita sa teleserye si Albert last week nang ibalik ng tagapagbantay (MJ Lastimosa) si Edong (JM) sa kanyang totoong katauhan bilang Manuel dahil sa kanilang nasirang kasunduan.

Tinubos din ni Manuel ang buhay ng kanyang anak na si Ivan (Dentrix Ponce) na dapat sanang mamatay bilang kapalit sa kasunduan. Ang susunod na dapat malampasan ni Manuel ay kung paano niya maipapakita ang pagmamahal sa pamilya sa kanyang bilang na oras sa mundo.

Naging usap-usapan din ng netizens ang matinding sakripisyo ni Manuel para sa anak na nagtulak sa hashtag ng teleserye na #AllOfMe-Kwintas na maging isa sa mga trending topics sa Twitter.

Pati si Albert ay aminadong nakaka-relate sa ginawang selfless sacrifice ng karakter bilang isang ama at asawa. Ani Albert, “Nagsimula ako from scratch noong kinasal ako at binigyan ko talaga ang oras ang aking pamilya.

May mga personal sacrifices akong nagawa para magkaroon ng mabuting kinabukasan ang pamilya ko tulad din ni Manuel.” Ano kaya ang magiging reaksyon ni Lena sa kanilang muling pagkikita ni Manuel?

Magkakaroon kaya sila ng pangalawang chance sa pag-ibig? Abangan sa tumitinding mga kaganapan sa All of Me, pagkatapos ng Doble Kara sa Kapamilya Gold.

Read more...