Ang nakaraang dalawang taon ng buhay mag-asawa nina Raymart Santiago at Claudine Barretto ay maituturing na delubyo. Wala silang nakikitang maganda sa isa’t isa, palagi silang magkakontra, hanggang sa mauwi na nga sa husgado ang hindi nila pagkakaunawaan.
Binuksan nila sa publiko ang kuwento ng kanilang buhay, ang dami-daming rebelasyong naglabasan tungkol kay Claudine, pansamantala siyang hindi napanood sa telebisyon at wala ring ginawang pelikula.
Batuhan sila nang batuhan ng mga salitang kahit gutom na aso ay hindi makatatanggap, ganu’n ang nangyari sa kanilang rela-syon sa loob nang dalawang taon, ang kanilang mga anak ang napuruhan sa indultong kinapalooban nilang mag-asawa.
Hanggang sa isang araw ay nanahimik ang magkabilang kampo, may nangyayari na palang kasunduan, ang desisyon nila ay para kina Sabina at Santino. Pormalidad na lang ang kailangan ngayon para sa kanilang pinagkasunduan-pinagdesisyunan.
Kasama na du’n ang malayang pagdalaw ni Raymart sa kanilang mga anak dahil bukas ang isip ni Claudine na kailangang may nakakasamang tatay ang mga bata sa kanilang paglaki.
Magandang balita ito, magkakaroon na sila nga-yon ng panahong matutukan ang kanilang mga trabaho, maligayang-maligaya na ngayon ang kanilang mga anak. At sana’y magtuluy-tuloy na ang kanilang pagkakasundo.