Offseason moves ng Foton Tornadoes nagbunga na

NAPAPAKINABANGAN ngayon ng Foton ang agresibong ginawa sa offseason sa hangaring palakasin ang koponan sa idinadaos na 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament.

Sina Jaja Santiago, Ivy Perez, Kayla Tiangco-Williams, Fiona Ceballos, Bea General at Jeannie Delos Reyes ay kinuha ng Tornadoes para isama sa dalawang masisipag na imports na sina Kathleen Messing at Lindsay Stalzer at mga matitikas na beterana.

Dahil bago ang samahan, nangapa sila sa first round ngunit iba na sila sa second round matapos ipanalo ang huling tatlong laro para malagay sa ikaapat na puwesto sa anim na naglalaban-laban sa 4-3 karta.

“Talagang nag-recruit kami ng mga bagong players para isama sa mga naiwang veterans dahil gusto naming maulit o higitan pa ang naabot naming semifinals sa All-Filipino Conference. So far, nagbunga ang ginawa namin sa offseason sa magandang laro ng mga players,” wika ni team manager Alvin Lu.

Habang lahat ng baguhan ay binibigyan ng exposure ni coach Vilet Ponce de Leon, ang mga nabababad ay sina Santiago, Perez at Williams at sinusuklian naman nila ito ng bigay-todong paglalaro.

“Maganda po ang samahan sa team at lahat isa lang ang goal ang tulungan ang team na manalo,” pahayag ng 6-foot-5 na si Santiago.

Kahit ang mga imports ay mataas ang paniniwala na kaya ng Tornadoes na makuha ang titulo sa liga.
“We’re jelling now as a team and with our experience in competitive situations, that chemistry is naturally coming to us,” wika ni Stalzer na noong nakaraang taon ay naglaro sa Cignal.

Sa linggong ito ay masusukat uli ang tikas ng koponan dahil tatlong laro ang kanilang haharapin laban sa Meralco (Martes), RC Cola-Air Force (Huwebes) at Petran (Sabado).

Pero dala ang determinasyon at magandang samahan, naniniwala ang pamunuan na makakaya nilang manalo rito upang mapalakas ang hangaring masungkit ang kauna-unahang titulo sa pangalawang taon sa liga.

Read more...