SANG-AYON ang Star For All Seasons at Batangas Gov. Vilma Santos sa desisyon ni Angel Locsin na huwag nang gawin ang “Darna” movie ng Star Cinema.
Nakapag-usap daw sina Gov. Vi at Angel sa shooting ng movie nila na “All Of My Life” under Star Cinema rin. Tama lang daw na mas intindihin ni Angel ang kanyang kalusugan.
“Nagkaroon kasi siya ng attack, e, sa likod, sa spine. Bago kami pumunta ng Europe noon, nagkaroon siya ng attack. Hindi talaga siya nakatayo,” kwento ni Gov. Vi.
Paalis daw siya kinabukasan noong tumawag sa kanya ang panganay niyang anak at boyfriend ni Angel na si Luis Manzano. Sinabi nito sa kanyang Momskie Vilma na dinala ng ambulansya si Angel sa ospital dahil hindi makatayo sa sobrang sakit ng likod.
“Tapos noon pagbalik namin, nagsu-shooting na kami masakit pa rin ang legs niya. And then, humingi siya ng advice sa akin, gusto niyang gawin talaga ‘yung ‘Darna’ pero with what happened to her, ano raw ba ang pwede niyang gawin.
Kasi nalulungkot siya talaga,” sabi pa ng aktres. Pero isa lang ang sinabi ni Gov. Vi kay Angel, “Gel, hindi mo naman kailangan pang pilitin ang sarili mo, e. Health mo ‘yan, e. Number one is health.
Plus, nagkaroon ka na ng ganyang attack, e, ang ‘Darna’ sinasabit ‘yan, e. Aksyon ‘yan. Hindi mo isusugal ang health mo sa ganyan, ‘di ba?” Plus the fact na wala naman dapat patunayan si Angel dahil kilala ka na rin siya ng publiko bilang si Darna.
“Kapag binigay ang mga pangalan ng Darna, isa ka na sa Darna. So, you don’t have to prove anything. Ngayon kung hindi na, huwag mo nang isugal ang health mo. Kung ikakadelikado mo ‘yan, then, don’t do it.
Hindi naman ang buhay mo sa showbiz ‘Darna’ lang, e. Baka mas mabigyan ka pa ng relevant films, not necessarily action film na nakataya naman ‘yung spine mo sa likod,” sey pa ni Ate Vi.
Pwede naman daw gumawa ng ibang pelikula si Angel like relevant films, “With her maturity, with her age now, she can do relevant films. She’s a very good actress.
Kaya lang syempre masakit lang din sa loob niya. Kasi talagang pinlano ‘yung Darna for her. Nag-reduce siya, e, nagpapayat na. Kaya lang kung ganoong meron siyang diperensya sa spine, hindi bale kung drama, action ‘yan, e.”
At para na rin sa magiging anak nila ng boyfriend niyang si Luis, “Dapat silang mag-baby ni Lucky. At saka sabi ko pa sa kanya, huwag mong isugal ang health mo. Unang-una, importante magkaanak kayo.”
Um-agree naman si Angel sa sinabi ni Gov. Vi sa kanya.
Itinuturing na rin daw niyang manugang si Angel kaya ganu’n na lang ang concern niya sa dalaga, “Ipagdasal na lang natin maging tama na ang desisyon nilang dalawa ni Lucky. Because at the end of the day, it’s their decision, not ours.
Pero kung maging manugang ko, why not? Sa tinagal-tagal ng panahon I think it’s about time.”
Matagal na rin namang naghihintay si Gov. Vilma sa pagdating ng kanyang apo, “Oo naman (but) not Lola,” tanggi niya.
“Momsie, Ha-haha! Si Luis tawag sa akin Momskie. Eto sa apo ko Momsie,” kinikilig na tsika pa ni Gov. Vi. Samantala, may balita na gagawing opening salvo ng Star Cinema sa 2016 ang movie ni Gov. Vilma at Angel na “All Of My Life.”