Hamon ni Wenn Deramas sa Aldub: Gawin muna nila kahit kalahati lang nang na-achieve nina Vic at Ai Ai!

WEN DERAMAS, VIC SOTTO AT AI AI DE LAS ALAS

WEN DERAMAS, VIC SOTTO AT AI AI DE LAS ALAS

ILANG buwan nang usap-usapan ang nalalapit na salpukan sa takilya ng pelikula ni Direk Wenn Deramas na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Coco Martin, ang “Beauty And The Bestie,” at ng first movie nina Alden Richards at Maine Mendoza na “My Pabebe Love” sa 2015 Metro Manila Film Festival.

Sinubukan naming kunin ang pahayag ni Direk Wenn sa magaganap na tapatan ng movie nila at ng AlDub sa filmfest noong makausap namin siya sa presscon ng bago niyang pelikula under Viva Films, ang “Wang Fam” bago siya lumipad papuntang Amerika para magbakasyon.

“Ay, welcome! Pang-ilang pelikula na namin ‘to ng filmfest? Sinu-sino na ang tumapat, ‘di ba? So, ganoon ang industriya natin. Dapat iwe-welcome ang lahat ng bagay. Kompetisyon man o kakampi kasi at the end of the day kayu-kayo rin ang magkakasama,” paliwanag niya.

Napakaliit daw ng showbiz world para sabihin na kanya lang ang movie industry. Wala raw ownership ng mga bagay-bagay sa showbiz at ang lahat ay welcome sa industrya, “Natutuwa ako sa ikinaaasenso ng AlDub dahil talaga namang ang charming nu’ng babae at napakaguwapo ni Alden. Ako mismo ay crush ko si Alden. So, lahat tayo ay may space sa industriyang ‘to,” sabi pa niya.

Marami ang nagsasabi na tiyak na ang pagiging number one ng movie nina Alden at Maine na pinagbibidahan din ni Vic Sotto at ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas.

“Kapag nangyari ‘yun, e, ‘di nangyari. Pero huwag muna nating pangunahan kapag hindi pa nangyayari.

Kasi nu’ng nangyari ‘yung bakbakan ng ‘My Little Bossings,’ ‘yan din naman ang sinabi nila. Hindi naman nila sinabing magna-number one ang ‘Girl, Boy, Bakla, Tomboy.’ Pero noong pagdating sa huling laban, sino pa rin ang nag-number one?”

Kaya para kay Direk Wenn, titiyakin niya na hindi siya magpapabaya sa paggawa ng “Beauty And The Bestie.” “Definitely, yes. Pero base sa rushes na ikinatutuwa ng sobra-sobra ng Star Cinema at Viva, isa ito sa talagang gastos at saka ‘yung tawa,” ngiti niya.

Nagbigay din ng comment si Direk Wenn sa isyu na dati raw ay minaliit ang Vic-Ai Ai entry sa MMFF 2015. Pero nu’ng nadagdag na raw sa cast ang AlDub, tiyak daw na kakain ng alikabok sa takilya ang pelikula ni Vice at Coco.

“Huwag nating maliitin ‘yung ginawa nina Ai Ai at Vic Sotto kasi I for one, hindi naman ako makakapayag na ang magdadala pa sa Ai Ai-Vic ay ang AlDub. Mas naniniwala ako na kaya nilagay sila dahil makakatulong sila sa pelikula,” esplika niya.

Hindi raw ang AlDub lang ang magdadala ng pelikula dahil subok na rin ang appeal nina Vic at Ai Ai sa filmfest, “Gawin muna nila kahit kalahati nang na-achieve ng dalawang ‘yan sa industriyang ‘to bago ako maniwala. Till then, mas naniniwala pa rin ako sa naiimbag nu’ng hari at reyna ng ating industrya,” diin pa niya.

Pero bago ang salpukang “Beauty And The Bestie” at “My Pabebe Love,” mauuna munang ipalabas ang latest comedy-horror movie niya na “Wang Fam.” Bida rito si Pokwang kasama sina Benjie Paras, Wendell Ramos, Andrie Paras, Yassi Pressman, Joey Paras, Candy Pangilinan, Dyosa at Alonzo Muhlach. Ipapalabas ang “Wang Fam” sa mahigit 100 theaters nationwide on Nov. 18.

Read more...