Ika-5 panalo puntirya ng Philips Gold sa PSL

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
4 p.m. Philips Gold vs Foton
6 p.m. Meralco vs Petron
Team Standings: Petron (5-2); Cignal (5-2); Philips Gold (4-1); Foton (3-3): RC Cola-Air Force (1-5); Meralco (0-5)

MAY matatapos na winning streak sa pagitan ng Philips Gold at Foton habang pang-apat na sunod na panalo ang nais ng Petron sa pagpapatuloy ngayon ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Sa ganap na alas-4 ng hapon magkukrus ang landas ng Lady Slammers at Tornadoes at pakay ng una ang ikalimang sunod na panalo matapos matalo sa unang laro sa Cignal.

May 3-3 karta naman ang Tornadoes ngunit galing sila sa magkasunod na panalo para manatiling okupado ang mahalagang ikaapat na puwesto sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo na suportado rin ng Mikasa, Senoh at Mueller at ipinalalabas sa TV5.

Samantala, kalaro ng nagdedepensang kampeon Lady Blaze Spikers ang Meralco sa ikalawang laro dakong alas-6 ng gabi at hanap ang panalo para manatiling palaban sa unang puwesto papasok sa semifinals.

Ito na ang ikatlong laro ng koponan sa second round elimination at nauna nilang tinalo ang Cignal at RC Cola-Air Force dahil na rin sa gumandang laro ni Brazilian import Rupia Inck.

Nag-average ang 6-foot-1 spiker na si Inck ng 23.5 puntos sa huling dalawang laro at aasahan ng mga panatiko ng koponan na hindi mawawala ang impresibong ipinakikita matapos ang panandaliang bakasyon ng liga para gunitain ang Araw ng mga Patay.

Sa kabilang banda, tiyak na magpupursigi ang Meralco na manalo para makapasok na sa win column.

Walang naipanalo ang Power Spikers sa naunang limang laro sa first round kaya’t nalalagay na sila sa must-win sa second round para makahabol pa sa upuan sa semifinals.

Read more...