Ateneo Blue Eagles pasok sa Final Four

Mga Laro sa Sabado
(Araneta Coliseum)
2 p.m. UE vs Adamson
4 p.m. FEU vs UST
Team Standings: *FEU (10-1); *UST (9-3); *Ateneo (8-4); La Salle (5-6); NU (5-7); UE (4-7); UP (3-8); Adamson (2-10)
* – Final Four

NAKABUTI ang pahinga para sa Ateneo de Manila University dahil puno sila ng enerhiya na hinarap ang University of the Philippines tungo sa 74-65 panalo sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Si Kiefer Ravena ay mayroong 16 puntos habang si Adrian Wong ay may 14 puntos mula sa bench para angkinin ng Blue Eagles ang ikaapat na sunod na panalo at 8-4 karta tungo sa puwesto rin sa semifinals.

May walong puntos si Ravena sa ikalawang yugto para ilayo ang Blue Eagles sa 19 puntos, 45-26.

Nagbago ang takbo ng opensa sa ikatlong yugto at siyam na puntos lamang ang kanilang naitala para dumikit ang Fighting Maroons sa 54-44, pero binuhay ni Wong ang Blue Eagles nang kamadahin ang tatlong triples para ilayo uli ang koponan sa 69-55.

“We benefitted from the long break,” wika ni Ateneo coach Bo Perasol patungkol sa break ng liga dahil sa paggunita ng Araw ng mga Patay.

“We started really well and we came prepared for their press,” dagdag nito.

Sa 8-4 baraha ay puwede pang tumapos ang Blue Eagles sa unang dalawang puwesto at makuha ang mahalagang twice-to-beat advantage kung walisin nila ang nalalabing laro laban sa De La Salle University at University of the East.

Ang UP ay bumaba sa 3-8 baraha at nanganganib na mamaalam na.

Samantala, naunsiyami rin ang University of Santo Tomas sa hangaring playoff para sa unang dalawang puwesto sa pagtatapos ng elimination round nang ginulat sila ng UE, 91-77, sa unang laro.

May career-high na 26 puntos si Clark Derige at siyam dito ay ginawa sa huling yugto para panatilihing naghahabol ang Tigers at buhayin pa rin ang laban para sa Final Four.

Umakyat ang UE sa 4-7 baraha at kailangang maipanalo pa ang nalalabing tatlong laro para magkaroon pa ng tsansang makanakaw ng upuan sa susunod na round.

Ang Tigers ay natalo lamang sa ikatlong pagkakataon matapos ang 12 laro at puwede pa rin nilang makuha ang playoff spot kung maipanalo ang isa sa huling dalawang asignatura.

Read more...