Sukdulang kahiya-hiya

ISANG malaking kahihiyan ang nangyayari sa Pilipinas dahil sa kontrobersyal na isyu tungkol sa “laglag-bala” extortion scheme sa Ninoy Aquino International Airporrt. At higit na mas malaking kahihiyan ang ginagawang pagmamaang-maangan ng mga opisyal ng gobyerno sa isyu at ang hindi agad pagkilos ng Malacanang sa nasabing nakahihiyang isyu.

Setyembre pa lang nang unang napabalita ang tungkol sa modus-operandi na nangyayari sa NAIA — na ilang pasahero ang tatamnan ng bala sa kanilang mga bagahe; at para hindi na maabala pa, lalo na silang mga may hinahabol na flight patungo sa ibang bansa ay napipilitan kumagat sa “pambabakal” ng mga tiwaling tauhan ng airport.

Nitong mga nakaraang araw, sunod-sunod na insidente ng pagkaaresto ng mga nahulihan daw ng mga bala sa kanilang bagahe. Marami sa kanila ang tumanggi na hindi nila pag-aari ang mga balang nakuha sa kani-kanilang mga bag, at naniniwalang sila ay pawang mga biktima ng modus.

Kamakalawa, naglabas naman ang United Nations ng internal memo para sa mga staff nito na pinag-iingat laban sa “tanim-bala” raket na pinaiiral sa NAIA.
Sa internal memo, pinayuhan ng UN Department of Safety and Security (UNDSS) ang kanilang mga staff na i-lock ng maayos ang kanilang mga bag at kung maaari ay balutan ng plastic ang mga ito sa sandaling dadaan sa NAIA, para makaiwas sa nasabing raket sa airport.

Nakakahiya.
At nakakahiya rin dahil marami tayong mga kababayang Pinoy na nakabase o nagtatrabaho sa ibang bansa ang tila takot na takot nang bumalik sa Pilipinas dahil baka sila naman ang matamnan ng bala. Marami nga ang sa kanila ang nagsabi na kung hindi nga lang daw sila nakabili na ng tiket ay hindi na rin sila uuwi.

Ganyan kapraning hindi lang ang mga kababayan natin kundi maging ang mga dayuhan dahil sa isyung ito na hindi masolusyunan agad ng pamahalaan.

Ang masama pa nito, kaliwa’t kanan na ang mga insi-dente na dulot nitong “tanim-bala” ay tila pinaiiral pa rin nito ang dating gawi na “noynoying” – ang hindi pagkilos ng mabilis sa mga problemang dapat solusyunan agad-agad.

Tama nga ang sinabi ng kolumnista ng Bandera na si Ramon Tulfo, na parang pako itong si Pangulong Aquino, na kung hindi pukpukin ay hindi kikilos.
Ilang buwan na ang isyung ito, ngunit ang tanging solusyon lang (kung solusyon man nga ito) na naibigay ni Ginoong Aquino ay iutos ang imbestigasyon hinggil sa isyu.

Dahil kumalat na ang isyu sa loob at labas ng bansa, may panawagan na pagbitiwin ang General manager ng Manila International Airport Authority na si Jose Angel Honrado at ni Transportation and Communication Secretary Emilio Abaya, ngunit nagtengang-kawali lang rito ang pangulo.

Sadya talagang nakahihiya ang sitwasyong ito na laman na rin ng balita sa foreign media.

Sino ba namang Pinoy ang hindi mahihiya sa sitwasyong kinasasadlakan ng bansa sa harap ng international community, lalo na ngayon na magho-host pa naman ang Pilipinas ng pagtitipon ng Asia Pacific Economic Conference na dadaluhan ng 21 state leaders sa mga susunod na araw?

Biruan at usap-usapan na nga, baka ang mga bagahe ng mga state leaders (na alam naman nating hindi dadan sa ordinaryong proseso sa airport) at ang kanilang mga delegado ay makitang todo-kandado bukod pa sa nakabalot ang mga ito ng plastic para lang hindi matamnan ng bala.
At pag nangyari iyon, baka manghiram na lang tayo ng mukha sa aso at pusa dahil sa tindi ng ating kahihiyan.

Read more...