Humihingi umano ang Abu Sayyaf ng tig-P1 bilyon kapalit ng tatlong banyaga at isang Pilipina na dinukot sa isang resort sa Samal Island, Davao del Norte, noong Setyembre.
Sa video na ipinalabas sa Internet, nanawagan ang isa sa mga kidnap victim — ang Canadian na si John Ridsdel — sa sa gobyerno ng kanyang bansa na ibigay ang hiling ng mga bandido, na nakatayo sa likod at pawang mga armado.
“We’re being ransomed for each for 1 billion pesos. I appeal to the Canadian Prime Minister and the people of Canada to please pay this ransom as soon as possible. Our lives are in great danger,” ani Ridsdel.
Sinabi naman ni Robert Hall, isa ring Canadian hostage, na humihingi ang Abu Sayyaf ng P1 bilyon kapalit niya.
“These people are serious and very treacherous. Take them seriously. Help us, get us out of here,” aniya.
Binanggit din ni Norwegian Kjartan Sekkingstad, isang manager sa Holiday Oceanview resort kung saan siya dinukot kasama ang iba pang bihag noong Set. 21, ang ransom demand na P1 bilyon.
Nakita rin sa video ang Pilipinang hostage na si Marites Flor, nobya umano ni Hall, pero di ito nagsalita.
Ipinakita ang apat na nakaupo sa isang lugar na napapalibutan ng dawagan at ilang puno. Nagsalita ang tatlong banyaga habang tinututukan ng itak sa leeg ng isa sa mga bandido.
Nakatayo naman sa likod ang iba pang bandido, na pawang mga may takip ang mukha at may bibit na baril at bandilang itim.
Dati nang sinabi ng mga source mula sa pulisya’t militar na dinala sina Ridsdel, Hall, Sekkingstad, at Flor sa Sulu ilang araw matapos silang dukutin ng mga armado sa Samal.
Lumabas ang video, na ipinaskil ng research group na SITE Intelligence Group sa website nito Martes, tatlong linggo matapos ding maglabas ng video ang mga bandido sa pamamagitan ng YouTube.
Sa unang video, matatandaang nanawagan ang mga hostage sa mga awtoridad na itigil ang military operation laban sa Abu Sayyaf para mabigyang daan ang negosasyon.
Sinabi ni National Police spokesman Chief Supt. Wilben Mayor kahapon na di tatalima ang PNP sa hiling ng mga bandido at iginiit na sumusunod ito sa “no ransom policy” ng gobyerno.
“The video is being examined now by the ACG (Anti-Cybercrime Group)… Tuloy-tuloy ang ating pag-conduct ng operations against sa mga threat groups sa south,” sabi pa ni Mayor.
Sinabi naman ni Armed Forces spokesman Col. Restituto Padilla na di magko-komento ang militar sa pinakahuling video ng Samal kidnap victims.
“The AFP has made a decision not to comment,” aniya. Nang tanungin kung bakit, sinabi ni Padilla na: “In order not to dignify the latest development.”
Sa hiwalay na panayam, sinabi ng isa pang military official, na tumangging magpalathala ng pangalan, na patuloy ang operasyon sa Sulu para matunton ang mga kidnapper at hostage.
“Masyadong ambitious ang demand at pinapakita na pera-pera na lang itong mga bandido,” sabi pa ng opisyal.