DADAYUHIN ng Le Tour de Filipinas (LTdF) ang mga lugar sa katimugan sa paglarga ng ikapitong edisyon sa Pebrero 2016.
Apat na stage pa rin ang karerang inorganisa ng Ube Media Inc. sa pangunguna ni Donna Lina at ito ay magsisimula sa Antipolo City at magtatapos sa Legazpi City na kung saan matatagpuan ang Mayon Volcano.
Sa Pebrero 18 magsisimula ang kompetisyon sa hanay ng inaasahang 15 continental teams at mula Antipolo ay tutungo ang mga siklista papuntang Laguna at Quezon at magtatapos sa Lucena City.
Ang natatanging karera sa bisikleta na may basbas ng international cycling federation (UCI) at kabilang sa Asia Tour ay magpapatuloy kinabukasan at magtatapos ito sa Daet, Camarines Norte.
Sa Pebrero 20 ang pinakamahabang yugto sa kompetisyon na magsisimula sa Daet hanggang Legazpi City at magkakaroon ang mga kasali na makita ang Mayon bago tumapos sa capital city ng Albay.
Ang huling araw ng kompetisyon sa Pebrero 21 ay isang out-and-back course sa Legazpi City at iikot ang ruta sa Mayon at dadaanan din ang mga geothermal power plants sa Tiwi.
Tinatayang nasa 600 kilometro ang kabuuang distansya ng karera at magbabalak ang mga pambato ng bansa na makuha uli ang pangunguna sa LTdF.
“It’s about time that we bring the LTdF down south, this time in the Southern Tagalog and Bicol regions to spur awareness on cycling not only as a competitive sport, but more importantly as a form of physical fitness,” wika ni Lina.
Ang naunang anim na yugto ng karera ay ginawa sa Norte partikular na sa Cordilleras.
Sina Baler Ravina (2012) at Mark Galedo (2014) ang mga Filipino cyclists na nanalo na habang ang ibang naging kampeon ay sina David McCann ng Ireland (2010), Rahem Emami ng Iran (2011), Ghader Mizbani ng Iran (2013) at Thomas Lebas ng France (2015).