Nasawi ang isang matandang babae at ang 9-buwan niyang apo nang salpukin ng trak ang kanilang kubo sa Cuenca, Batangas, ayon sa pulisya.
Agad nasawi ang 78-anyos na si Inocencia Lopez, habang ang apo niyang si Tristan Galicha ay binawian ng buhay sa ospital, ayon sa ulat ng Batangas provincial police.
Nilipat naman sa isang pagamutan sa Lipa City ang 13-anyos na si Jose Galicha, apo rin ni Lopez, para sa karagdagang lunas.
Naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga Miyerkules sa bahagi ng Provincial Road na sakop ng Brgy. Emmanuel.
Minamaneho ni Romualdo del Mundo ang Isuzu Elf dropside truck (TMP-466) patungo sa direksyon ng Batangas City nang masalpok ng sasakyan ang kubo ng maglolola, ayon sa ulat.
Lumabas sa imbestigasyon na nagloko ang preno ng trak bago ang insidente.
Nakaditine ngayon si Del Mundo sa Cuenca Police Station para sa karagdagang imbestigasyon.