Ikatlong sunod na titulo nauwi ng Davao softbelles

GUMAWA ng kasaysayan ang Davao softball team upang patingkarin ang magandang ipinakikita sa 2015 Batang Pinoy Mindanao Regional Qualifying leg na nagtapos kahapon dito sa Koronadal City, South Cotabato.

Nakitaan ng tatag ang mga manlalaro ng Davao nang bumangon sila mula sa 7-10 iskor papasok sa ikapito at huling inning at tinalo ang Balingasag, Misamis Oriental, 11-10.

Ito na ang ikatlong sunod na taon na kampeon ang Davao sa softball sa palarong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pakikipagtulungan sa Philippine Olympic Committee (POC) at suportado ng Koronadal City sa pangunguna ni Mayor Peter Miguel.

Matapos umiskor ng isang run, nalagay sa alanganin ang Davao nang na-out ang dalawa nilang batters sa itaas ng ikapitong inning.

Pero may suwerte ang nagdedepensang kampeon dahil nalaglag ang bola ni Princess Mae Nebris para pumasok sina Justine Marie Adovo at Catherine Pullido para magtabla ang dalawang koponan sa 10-all.

Nagbigay ng tatlong sunod na base-on-balls si losing pitcher Sophia Villegas para makaiskor ng go-ahead run si Lyka Mae Espina.

Pumalo pa ang Balingasag pero niretiro ni Davao pitcher Irene Lumanas ang huling tatlong batters na hinarap.

Bago ito ay nakumpleto ni John Paul Elises ang hinahangad na seven-of-seven sa boys’ 12-under swimming event nang pagharian ang boys’ 12-under 200m Individual Medley sa 2:43.11 oras.

Ang iba pang events na pinagharian ng 12-anyos na mag-aaral ng Ateneo de Davao University ay ang 100m freestyle (1:03.81), 200m freestyle (2:26.01), 50m butterfly (32.54), 200m medley relay (2:09.64), 200m freestyle relay (1:55.55) at 100m butterfly (1:12.53).

Dalawa lamang ang swimmer na nakapitong ginto at ang una ay si Aubrey Sheian Bermejo ng Iligan City na kampeon sa girls’ 12-under sa 12-under 400m freestyle (5:04.65), 100m freestyle (1:05.98), 200m freestyle (2:26.84), 50m butterfly (32.48),100m butterly (1:14.87), 200m medley relay (2:20.48) at 200m medley freestyle (2:04.50).

Hindi pa naisasama ang mga resulta sa karate, badminton, boxing, chess at volleyball, ang host Koronadal ang nasa unahan bitbit ang 26 ginto, 23 pilak at 19 tansong medalya. Sinandalan nila ang 10 ginto sa athletics at 11 sa wrestling bukod sa anim sa pool events.

Kapos lamang ng apat na ginto ang Davao sa 26 ginto, 23 pilak at 19 tansong medalya.

May siyam ginto sa swimming, lima sa wrestling at anim sa dancesports ang kanilang delegasyon.

Ang Tagum City, na may 15 ginto sa wrestling, ay nasa ikatlong puwesto sa 22-15-14, habang ang Iligan City, na nanguna sa pool events sa 12 ginto, ay mayroong 22-6-18 medal tally.

Samantala, na-ban ang isang boxer at coach ng South Cotabato na nadiskubreng gumamit ng ibang birth certificate ang inilalabang boksingero.

Si Jason Facularin ay napatunayan na gumamit ng birth certificate ng kanyang kapatid at nasa semifinals na siya nang nadiskubre ang iligal na gawain.

Ang Finals ng boxing ay ginawa noong Huwebes ng gabi at ang General Santos City ang may pinakamaraming boxers sa championship round sa anim para sa 16 events na paglalabanan sa kids, schools boys’ at girls’ division.

Read more...