James, Nadine pinakilig na ang madlang pipol, nakatulong pa sa Lando survivors

james reid

MULING pinatunayan ng tambalang Nadine Lustre at James Reid ang kanilang matinding karisma at powers sa publiko matapos ang matagumpay na mall tour ng On The Wings Of Love na ginanap sa Market!Market! nitong Linggo.

Personal naming na-witness ang unang leg ng mall show ng “On The Wings of Love Spread the Love Tour” at talagang literal na umapaw ang mall dahil sa pagsugod ng libu-libong JaDine fans para lang makita up close and personal ang kanilang mga idolo.

Kahit kami ay nahirapang makapasok at makalabas ng venue dahil wala na ngang malakaran sa mall.
Sa ulat ng management ng Market!Market! umaga pa lang ay nasa venue na ang napakaraming OTWOListas kahit 4 p.m. pa ang show.

Ayon sa production team ng On The Wings Of Love, umabot sa mahigit 10,000 katao ang nakisaya sa “OTWOL Spread The Love Tour.” Ayon sa staff, ang huling show na ginanap sa nasabing mall na talagang dinagsa ng mga tao ay noong magpunta roon ang ASAP, pero marami namang artista ang nag-perform doon unlike sa OTWOL na ang tambalan lang ng JaDine at ilang members ng cast lang ang kasali.

Nang pumagitna na nga ang dalawa sa stage ay halos magiba na ang venue dahil sa lakas ng tilian at talunan ng mga OTWOListas. Naunang lumabas si Nadine at sinundan ni James.

At muli ay napatunayan nga namin na hindi lang mga teenagers ang sumusuporta sa OTWOL kundi pati mga bata at mga magulang, kabilang na ang mga lola na talagang nakisiksik sa audience para makita lang sina Nadine at James.

Bukod dito, masasabi rin na-ming sikat na sikat na rin ang ka-love triangle ng JaDine (bilang sina Clark at Leah) na si Albie Casino na gumaganap naman bilang si Jigs sa serye.

Sa nasabing mall show, nagpasikat ang bawat miyembro ng cast ng serye sa kanilang performances para makalikom naman ng dona-syon sa “Show The Love, Kapamilya,” ang relief drive ng ABS-CBN para sa mga nasalanta ng bagyong Lando.

Todo tili ang OTWOListas sa pagkanta nina James at Nadine ng “On the Wings of Love” at “Say You’ll Never Go” habang nilalapitan ang audience at halos yumanig rin ang venue dahil sa lakas ng sigawan nang dalawang beses mag-kiss sina James at Nadine para bigyan ang hiling ng fans.

Naging saksi din ang OTWOListas sa siksik na hugot na live spoken word poetry performance ni Juan Miguel Severo (Rico), ang artist at playwright na matagumpay nang nakikilala dahil sa kanyang mga tula na nagiging viral sa On the Wings of Love.

Intense naman ang special dance showdown ng magpinsan at magkaribal na sina Clark at Jigs sa mall show at hindi rin nagpahuli sa pagpapakilig sina Tiffany (Bianca Manalo) at Tolayts (Nico Antonio).

Maging ang child star na si Nhikzy Calma (Gabby) ay napahanga ang mga OTWOLista sa kanyang dancing skills ala-Michael Jackson.

Mas lalo ring natuwa ang libo-libong fans sa pagdating nina Cherry Pie Picache (Tita Jack), Nanette Inventor (Lola Pachang), Jason Francisco (Cullen), Andrei Garcia (Jordan), Laiza Comia (Jenny), Joel Saracho (Mama Lulu), Kapitana (Geraldine Villamil), Benj Manalo (Axl), at Rafael Sudayan (Paeng) na nakisaya sa isang game kasama ang piling fans mula sa audience.

Maging ang mga director na sina Jojo Saguin at Antoinette Jadaone ay napasabak sa mall tour at na-hotseat sa mga tanong ng mga OTWOLista tungkol sa magiging takbo ng pag-iibigan nina Clark at Leah.]

Ipinagdiwang din ni Nadine ang kanyang ika-22 na kaarawan (sa Oct. 31 pa actually) sa “Spread The Love Tour” at lubos siyang nagpasalamat sa mga fans na matiyagang pumila bago pa man magbukas ang mall.

At ang birthday wish ni Nadine, “Sana patuloy akong makapagpasaya ng mga tao, at sana magtuloy-tuloy din ang success ng loveteam namin ni James. And of course po, the success of OTWOL and itong success ng Spread The Love Tour parang malaking birthday gift na po ito sa akin.”

Ito naman ang sabi sa kanya ni James, “Ang wish ko, sana matupad ang wish mo!” Samantala, nanguna din sina James at Nadine sa paglunsad ng otwolista.com, ang official website para sa mga OTWOLista kung saan makikita nila ang mga never-before-seen photos at videos, special facegram entries nina Clark at Leah, at eksklusibong treats at iba’t ibang activities.

Ayon din sa The ABS-CBN Store, dahil sa kasikatang tinatamasa ng JaDine loveteam, nadoble at nahigitan ang kanilang inaasahang sales record para sa On The Wings of Love merchandise at official scrapbook dahil lubos na tinangkilik ng mga fans ang mga produkto.

Read more...