Sinimulan nang salain ng Commission on Elections ang listahan ng mga taong nais tumakbo sa pagka-pangulo sa parating na halalan.
Pinadalhan na ng liham ang 125 sa 130 presidential aspirant, at hiniling sa mga ito na ipaliwanag kung bakit sila hindi dapat ideklara bilang “nuisance candidate,” sabi ni COMELEC chairman Andres Bautista.
“Ongoing na ‘yan, pinadala na ‘yung mga sulat… Parang job interview [ang mangyayari],” sabi ni Bautista sa mga reporter.
Tumanggi si Bautista na sabihin kung sino sa 130 presidential aspirant ang di inimbitahan sa “interview.”
Pinaniniwalaan lang na kabilang sa mga di pinadalhan sina Vice President Jejomar Binay ng United Nationalist Alliance, dating Interior Secretary Mar Roxas ng Liberal Party, Sen. Grace Poe, at Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Tumanggi rin si Bautista nang tanungin kung sino ang paglima.
Samantala, sinabi ni Bautista na walang maaaring mag-“substitute” o humalili kay Poe dahil tumatakbo ang huli bilang independent candidate.
“Substitution is not for independents,” ani Bautista, sabay dagdag na maging ang running mate ni Poe na si Sen. Francis “Chiz” Escudero ay di rin halinhan at di rin maaaring humalili, dahil ito’y tumatakbo rin bilang independent.
Ibinigay ni Bautista ang mga pahayag matapos makatanggap ng COMELEC ng tatlong petisyon para i-disqualify si Poe sa eleksyon.
“‘Yung disqualification, gusto naming tapusin sa lalong madaling panahon. [Pinagsama-sama] at nai-raffle na ito sa isang division,” aniya pa.
Kaugnay nito, nilinaw ni Bautista na bukod sa mga pamantayan ng COMELEC ay nakadepende rin ang substitution sa mga regulasyon ng isang political party.
“It depends, kung pinapayagan ‘yan ng articles and bylaws nung partido na magno-nominate sa kanya,” anang COMELEC chairman.
Ang pahayg ay ibinigay ni Bautista nang tanungin kung maaari pang mag-substitute ni Davao City Mayor sa presidential candidate ng Partido Demokratiko Pilipino-Laban (PDP-Laban).
Matatandaan na noong Okt. 16 ay naghain si Volunteers Against Crime and Corruption chairman Martin Diño ng certificate of candidacy para sa pagka-pangulo sa ilalim ng PDP-Laban.
Ang hakbang ay pinaniniwalaang stratehiya ng PDP-Laban na makapagpasok ng kandidato sa pagka-pangulo habang hinihintay na magbago ang isip ni Duterte, na una nang naghain ng CoC para sa isa pang termino bilang mayor ng Davao.