Record ng mall show ni Daniel winasak na nina James at Nadine

james reid

NOW it can be told na ang “On The Wings Of Love Spread The Love Tour” ang record-breaker na nag-mall show sa Market!Market!, ayon mismo sa administration staff ng nasabing mall.

“Akala nga namin ‘yung kay Daniel (Padilla) na ginanap last year ang pinakamarami kasi talagang grabe ‘yun, pero pangalawa na lang ‘yun dito sa mall show ng JaDine (James Reid at Nadine Lustre),” pahayag sa amin ng staff.

Umabot sa mahigit 10,000 katao ang dumalo sa “OTWOL Spread The Love Tour” na ginanap sa activity center ng Market!Market!, bukod pa ‘yan sa mga taong nasa loob ng restaurant/coffee shops na biglang naglabasan para mapanood ang show.

Punumpuno ang ikalimang palapag hanggang sa ground floor ng mall kaya naman hindi na kami makahinga sa kinauupuan namin sa mismong harap ng stage dahil sa sobrang init. Pero in fairness, naging disiplinado naman ang JaDine fans matapos silang pakiusapan na iwasan ang tulakan at sakitan habang ginaganap ang event.

Nalaman din namin na as early as 10 a.m. noong Linggo ay marami nang nakapila sa entrance ng nasabing mall gayung 4 p.m. pa ang umpisa ng programa at aminado rin ang management ng mall na nagkaproblema sila sa security dahil hindi na kinaya ng kanilang mga guard ang ibang taong nagkakagulo.

Alas-tres kami pinaupo sa activity center at talagang siksikan na ang entertainment press dahil lumiit na ‘yung puwesto na inilaan para sana sa media at ilan pang bisita.

Maraming naaliw sa mga inihandang production number ng buong cast ng On The Wings Of Love sa pangunguna nina James Reid, Nadine Lustre, Albie Casino, Nico Antonio, Bianca Manalo, Jason Francisco at ‘yung child star na nag-Michael Jackson sa kanyang production number.

At kahit hindi kumanta’t sumayaw ay hiyawan din ang mga tao nang tinawag ang dalawang direktor ng serye na sina Jojo Saguin at Antoinette Jadaone. Napakainit din ng pagtanggap ng audience kay Cherry Pie Picache.

Halos mabasag naman ang eardrum namin sa lakas ng sigawan at palakpakan nang mag-dance showdown na sa stage ang dalawang lalaki sa buhay ni Leah (Nadine) na sina Jigs at Clark (Albie at James).

Tanggap naman ni Jigs ang katotohanan na kontrabidang-kontrabida ang tingin sa kanya ng mga tumututok sa OTWOL, “Maraming nagagalit sa akin dito sa On The Wings Of Love, paano naman, inagaw ng pinsan ko ang babaeng mahal ko, maski na kayo man ang lumagay sa katayuan ko,” na sinundan na hiyawan ng mga tao.

At tawanan naman ang lahat dahil habang kumakanta si Jigs ng “Kunin Mo Na Ang Lahat Sa Akin” ay pinitik niya sa mukha ang standee ni Clark kaya hiyawan na naman ang mga tao at sa bandang huli ay itinumba na niya ang standee ni Clark sabay halik naman sa standee ni Leah.

Pero tulad ng inaasahan namin, mas dumagundong ang buong mall nang halikan sa pisngi ni Nadine si James on stage. Grabe! Wala ka na talagang maririnig sa paligid kundi ang hiyawan at padyakan ng fans.

Isa pang nagpakilig sa 10,000 crowd ay ang pa-cute moment ni Nico Antonio at ng kanyang “my labs” na si Tiffany (Bianca Manalo) dahil patok din ang loveteam nila sa mga OTWOListas. Siguro kung pareho silang available ngayon ay baka puwedeng magka-developan.

Parang mas effective pa nga ang kilig kapag walang relasyon ang magka-loveteam kasi wala silang iniisip na malisya o iisipin ng ibang tao tulad nina James at Nadine.

Sold out din ang lahat ng merchandise ng serye na umabot sa P624,000 at marami pang naghahanap kaya sa mga hindi nakabili, puwedeng pumunta sa ABS-CBN outlet o aba-ngan na lang ang mga susunod pang “Spread The Love Tour” sa ilan pang pi-ling malls sa Metro Manila at kalapit probinsiya.

Binabati namin ang lahat ng bumubuo ng Dreamscape Entertainment headed by Deo T. Endrinal na talagang hindi nawawala ang ngiti dahil sa tinatamasang tagumpay ng teleserye nina James at Nadine.

Abot-langit ang pagpapasalamat nito sa mga OTWOListang dumalo sa unang sultada ng “Spread The Love Tour.”

Read more...