Bangayang Erap, Sandra Cam

I WAS asked by a good friend not to write about this. Makakasira raw sa da-ting pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph “E-rap” Estrada.
It may or may not, depende sa pananaw. Pero, napagpasyahan kong isulat ito sakabila ng pakiusap ng kaibigan dahil naniniwala akong may punto rin naman si Estrada na personal niyang pasya kung sino ang kanyang susuportahang mga kandidato sa pagka-senador.
Eto muna ang kwento. Huwebes ng hapon, ika -22 ng Oktubre ay nagkita kami ng kilalang whistleblower na si Sandra Cam. May ibabahagi siyang dokumento sa isang anomalya na dati na niyang pinaputok sa media.
Nagulat ako nang datnan ko siya sa sulok ng isang restaurant sa Quezon City na lumuluha. May kausap siya sa cellphone at ang nadinig kong sinabi niya sa kausap niya,
“Hindi ko akalaing gagawin niya sa akin ito”. Hinayaan ko siyang tapusin ang kanyang pakikipag-usap sa cellphone.
Nang matapos, tinanong ko si Sandra kung anong problema at doon ay lalo na siyang umiyak.
First time kong makita in person si Sandra na umiyak. Sabi niya, “nagsigawan at nagduruan kami ni Mayor Erap kaninang umaga,” Huwebes at sa mismog tanggapan ng alkalde sa Maynila.
Nag-ugat ang sigawan nang tanungin ni Cam si Erap kung bakit hindi siya kasama sa listahan ng personal choice ni Erap sa pagkasenador.
Tumayo ang alkalde, dinuro siya at nagtaas ng boses, ani Cam at sinabi sa kanyang “Hindi ako ang nagpatakbo sa iyo! Kausapin mo ang nagpatakbo sa iyo!”
May mga ibang bisita sa tanggapan ni Erap nang mangyari ang pagtataas ng boses nito at tumayo rin at nagtaas ng boses si Cam at sinabi sa alkalde: “Tao ninyo ako! Tao ninyo ako! Bakit mas pinili ninyo ang iba?”
Nagbanggit si Cam ng mga pangalan ng mga kandidatong senador na sa tingin niya ay hindi dapat kasama sa listahan ng personal choice ng dating pangulo. Dito na lalong nagalit si Estrada sa kwento ni Cam.
Ang sabi ng alkalde, ” Wala kang pakialam kung sino ang personal choice ko sa Senado! Hindi ako ang nagpatakbo sa iyo!”
Nagtagal pa ang sigawan ng dalawa hanggang sa umalis ang alkalde sa kanyang tanggapan at naiwang humahagulgol si Cam.
Sa dokumentong hawak ni Cam, ang anak ni Mayor Erap na si Senador Jinggoy Estrada bilang opisyal ng Puwersa ng Masang Pilipino o PMP ang may nominasyon sa kanya na kumandidatong senador.
Maging si Jinggoy umano ay nagulat sa nangyari ngunit nauunawaan ani Cam na ang suporta nito ay mas kumiling sa kanyang sariling amang kapartido. Pinakiusapan siya ni Jinggoy na huminahon at baka magbago ang isip ng ama.
Ngunit ani Cam, itutuloy niya ang kanyang kandidatura bilang senador kahit walang suporta ni Estrada o ng partidong mismong kanyang kinabibilangan.
Ang Bicol Block, ani Cam ang siyang susuporta sa kanya. May punto si Cam na sumama ang loob. Matagal-tagal din siyang nasa panig ng mga Estrada o ng mga Ejercito sa ilalim ng PMP.
May punto rin si Estrada na walang pakialam ang sinuman sa personal choice niya sa listahan ng kanyang susuportahang mga kandidato sa pagka-senador. Kung kakayanin ni Cam na maitaguyod ang kanyang kandidatura na walang suporta ng matagal niyang kinilalang kakampi ay isang malaking hamon. Sa panig ni Erap, malinaw ang kanyang dahilan. “personal choice,” nandoon na ang paliwanag bagaman kung kayo man si Cam, magtatanong din kayo kung bakit siya inilaglag ng da-ting kakampi at kapartidong dating pangulo.
Ang kuwento ng paghihiwalay ng landas ng dalawang magkalyado sa panahon ng halalan ay hindi na bago. Sa katunayan ay tatak nga ito ng politika sa bansa. Nangyari na ito maging sa mga miyembro ng iisang pamilya pa nga.

Read more...