Sorry na lang, hindi pa ipinapanganak ang makasisira sa world record ng AlDub

yaya dub

Kailangan pang magkaroon uli ng isang tambalang yayakapin nang mahigpit na mahigpit ng publiko para mawasak ang markang itinanim ng AlDub sa Philippine Arena nu’ng nakaraang Sabado.

Ang dambuhalang bakuran ng mga kapatid nating INC ay sinugod ng mga tagahanga ng Eat Bulaga at ng mga tagasuporta ng AlDub Universe. Ang pinakamalaking indoor stadium sa buong mundo ay parang sumikip, dahil sa matinding suporta ng mga loyalista nina Alden Richards at Maine Mendoza.

Walang salitang makapaglalarawan sa Tamang Panahon ng Eat Bulaga kundi nakawiwindang-nakapangingilabot. Sa tagal na namin sa mundo ng lokal na aliwan ay ngayon pa lang kami nakasaksi nang ganu’n kalaking audience.

Ibang klase talaga ang karisma at panghalina ng AlDub at pati na rin ng Tito, Vic & Joey at ng mga napapanahong lola na sina Jose Manalo, Paolo Ballesteros at Wally Bayola.

Makabasag-eardrums ang mga tilian at palakpakan sa malawak na Philippine Arena nang sa wakas ay bigyan na ng kalayaan ni Lola Nidora sina Alden at Yaya Dub.

Nagpalitan ng pasasalamat ang nangungunang loveteam ngayon. Hindi puwedeng sabihin na si Alden ang dahilan ng pagsikat ni Maine at hindi rin puwedeng ibigay ang kredito kay Yaya Dub sa matinding kasikatan ngayon ni Alden dahil sabay silang minahal at tinanggap ng publiko.

Sinong artista o loveteam ang makakakabog sa naitala nilang tweets na umabot nang 39.5 million sa loob nang maghapon lang? Sinong personalidad o loveteam ang mu-ling makapagyayanig sa dambuhalang Philippine Arena?

Hindi pa ipinanganganak ngayon ang hahamon sa lagnat ng bayan na ipinakalat sa hangin ng tambalang AlDub, sa totoo lang, sa ayaw at sa gusto ng iba diyan.

Maligayang bati sa Eat Bulaga sa kasaysayang isinulat nila sa mapa ng lokal na aliwan. Maraming salamat sa TAPE, Inc., sobrang salamat sa AlDub Universe!

Mabuhay kayo!

Read more...