PLANO ni pambansang kamao Manny Pacquiao na tapusin ang kanyang career sa pagboboksing sa pamamagitan ng huling laban sa Abril 9 bago magpokus sa politika, ayon sa kanyang promotor na si Bob Arum sa isang panayam sa ESPN.com.
Sinabi ni Arum na nag-usap na na sila ni Pacquiao kaugnay ng kanyang huling laban noong isang linggo nang siya ay bumisita sa New York kung saan tinanggap niya ang Asia Game Changer award mula sa Asia Society at the United Nations.
“I’m telling you what he told me last week at dinner in New York,” sabi ni Arum sa website. “We talked very seriously and he said, ‘Bob, hopefully, by the middle of May I will have been elected senator in the Philippines and at that point I cannot engage in boxing because I need to focus on the Senate and I have to be in attendance.’
Nagtugma naman ang naging pahayag ni Arum sa naunaunang panayam kay Pacquiao ngayong buwan matapos niyang ihayag ang kanyang pagtakbo sa Senado.
“Manny told me this fight on April 9 will be his last fight,” dagdag pa ni Arum.
Hindi naman binanggit ni Arum ang makakalaban ni Pacquiao, bagamat nabanggit ang pangalan ng taga-England na si Amir Khan, dating unified junior welterweight titleholder, gayun din ang wala pang talo na si junior welterweight champion Terence Crawford — na lalaban kay Dierry Jean, ng Montreal sa Sabado.
Binanggit din ni Arum sina Juan Manuel Marquez at Timothy Bradley bilang posibleng makalaban din ni Pacquiao.
Wala pa ring lugar kung saan magaganap ang laban, bagamat inaasahani Arum na magaganap ito sa Las Vegas.