Philips Gold nakatatlong sunod na panalo

Mga Laro sa Linggo
(Cuneta Astrodome)
1 p.m. RC Cola-Air Force vs Cignal
3 p.m. Philips Gold vs Foton

ITINAAS ng Philips Gold ang kanilang laro mula sa ikatlong set para kunin ang ikatlong sunod na panalo sa pamamagitan ng 23-25, 18-25, 25-21, 25-21, 15-8 panalo sa RC Cola-Air Force sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Sa halip na bumigay matapos ang 0-2 iskor ay tinibayan ng Lady Slammers ang kanilang dibdib at inunti-unti ang pagbangon para magkaroon ngayon ng 3-1 karta sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng Mikasa, Senoh at Mueller at isinasaere ng TV5.

Ang 6-foot-4 na si Alexis Olgard ay mayroong 27 puntos mula sa 18 kills, 7 blocks at 2 aces at siya ay nakipagtulungan kina Bojana Todorovic, Myla Pablo at Michelle Gumabao para ipalasap pa sa Raiders ang pangalawang sunod na pagkatalo tungo sa 1-2 baraha.

Nagkaroon ng pagkakataon ang Raiders na manalo sa fourth set nang hawakan ang 19-15 kalamangan ngunit si Todorovic ay may dalawang aces, si Pablo ay naghatid ng apat at si Olgard ay nagpakawala ng matinding kill para sa 10-2 palitan at maitakda ang fifth set.

Si Todorovic ay may 25 puntos, si Pablo ay may 17, may anim  si Gumabao habang ang Fil-Am setter Lindsay Dowd ay may 24 excellent sets.

May 27 at 16 puntos sina Lynda Morales at Sara Christine McClinton at si Maika Ortiz ay may 12 ngunit nanlamig sila sa fifth set para matalo sa laban.

Read more...