Nakalimot na naman si Mr. Seaman

UNA nang lumapit sa atin sa Bantay OCW si Marjoree upang humingi ng tulong hinggil sa kawalan ng pinansiyal na suporta mula sa kanyang amang seafarer.

Ayon sa kaniyang email na ipinadala sa bantayocwfoundation@yahoo.com, natulungan na namin siya noong nakaraang taon.

Matapos naming ipahatid ang kanyang reklamo, ay nagpadala na raw ang kanyang tatay sa kanila noong Disyembre at nabayaran na niya ng buo ang kanyang tuition.

Nasundan pa nga ito nitong Enero. Mabuti naman.

Pero pagkatapos noon, wala na namang sustentong ibinibigay ang tatay ni Marjoree.

Hindi na nga raw nagpapadala, ay hindi na rin kumukontak sa kanila ang ama. Ang masaklap, hindi na rin ito numuwi sa kanila gayong bumaba naman ito ng barko nitong mga nakaraang buwan.

Nakaalis na nga raw muli ang tatay niya noong Mayo pero hindi ito nagpakita sa kanila.

Panay pa rin anya ang pakiusap niyang padalhan sila ng kaniyang ina ngunit hindi na rin ito nagpadala dahil malaki naman na ‘anya ang naibigay niya sa kanila.

Sisikapin ng Bantay OCW na muling maka-ugnayan ang ating seafarer sa pamamagitan ng kaniyang manning agency na siyang nagpapasakay sa kaniya sa barko.

Nagpalabas mg panibagong babala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) hinggil sa mga job order na diumano’y pino-post, tinu-tweet gamit ang social media upang makapangalap ng kanilang biktima.

Napakalayo na nga ng inungos ng samu’t-saring mga estilo ng panloloko ngayon gamit ang makabagong teknolohiya.

Dati rati kasi, kailangan pang may taong mag-aalok ng trabaho, makikipagkita sa kaniyang biktima kahit saang lugar hanggang doon na rin magkabayaran.

At iyan ang nasubaybayan natin sa mahigit 18 taon nating pagsisilbi bilang kaagapay ng ating mga OCW.

Sila ang mga kamag-anak, kaibigan, kapit-bahay, kabarangay, kababaryo, kaklase, kumpare, kumare, at mga katong-its ang nag-aalok ng trabaho sa abroad.

Siyempre nga naman, sa mga nabanggit, iisa lamang ang maaaring taglayin nito upang makalapit sa kaniyang potensiyal na biktima: Tiwala.

Kaya nga maraming naloko dahil sa sobrang pagtitiwala.

Iyan ang situwasyon noon. Pero ngayon ibang-iba na!

Hindi na kailangan ng tiwala, dahil may kapartner na sa panloloko ang mga illegal recruiter. Ito ang internet. Lalo pa’t ito ang panahon na para bang hindi na mabubuhay ang tao na hindi kunektado.

Palaging may bitbit na electronic gadget sa katawan. Biro pa nga namin, para bang lahat yata ng tao ngayon biglang naging mga manunulat (writer). Paano naman kahit saan naroroon, bising-bisi! Tutok lahat sa kanilang mga gadget.

At minsan nga, dahil sa kabisihan sa Internet, hindi mo na namamalayan na narerecruite ka na pala.

Ang iba nga, naglalaro lang sa kaniyang gadget, bila na lang napapa-aplay sa abroad via online dahil may nakitang job order online.

At dahil tempting ang offer na job order, dali-dali naman kinakagat. Gamit ang credit card, nagbayad na rin online. Ilang saglit lamang, naloko na siya!

Ganyan kabilis ngayon ang illegal recruitment. Hindi na kailangan magkita-kita. Wala nang personalan ‘ika nga.

High tech na nga kasi. Sana maging matalino at patuloy na mag-ingat ang ating mga kababayan sa pamamagitan nang palaging nagsususpetsang maaaring lokohin lamang sila ng mga alok na ito online.

Simple lang naman ang dapat gawin: Kapag may nakitang mga alok online, huwag paniwalaan.

Mag-check muna sa POEA. Gamit din ang inyong mga gadget puwede namang online din na malalaman ninyo kung totoo o hindi ang naturang mga alok.

Read more...